Inihalad ng veteran actress na si Maricel Soriano ang lagay ng kaniyang kalusugan kung bakit hirap siyang maglakad ngayon.

Sa kaniyang YouTube vlog na ipinost nitong April 12, sinabi ng Diamond Star na may iniinda siyang arthritis sa kaniyang gulugod o spine.

"'Yung spine ko may arthritis hanggang leeg ko. Tapos nung first na experience ko 'to, in-injectionan na 'ko sa likod. Tapos 'yung sumunod dahil hindi pa rin nawawala 'yung pain, kasi sa side lang, ginawa nila mismong sa spine nila ako sinaksakan ng steroids," pagbahagi niya.

"Tapos matagal bago nag-effect kaya iika-ika ako maglakad tsaka 'yung paa ko... manhid. Parang may mga karayom na tumutusok. On top of it, may pinched nerve ako," patuloy ni Maricel, na sinabing hereditary o namana niya ang naturang kondisyon.

Ayon sa Johns Hopkins Medicine, nangyayari ang arthritis sa gulugod o sa likod at leeg kapag namamaga ang mga facet joint sa gulugod o ang mga sacroiliac joint sa pagitan ng gulugod at balakang.

Kabilang sa mga sintomas ng spinal arthritis ang pananakit ng likod at leeg, paninigas at kawalan ng kakayahang gumalaw nang maayos, pamamanhid at pananakit ng mga braso at binti, pamamaga at panlalambot sa bahagi ng gulugod na apektado, at iba pa.

Ayon din sa Johns Hopkins Medicine, ang osteoarthritis ang pinakakaraniwang uri ng arthritis na umaapekto sa gulugod. Kadalasan, dulot umano ito ng normal na pagkaluma o pagkasira ng kasukasuan o cartilage, at nangyayari kapag ang cartilage sa pagitan ng mga kasukasuan ay unti-unting nasisira, na nagiging sanhi ng pamamaga at pananakit.

Sinabi ng aktres na nais niyang subukan muna ang iba't ibang paraan ng gamutan sa kaniyang kondisyon bago siya magpa-opera.

"Ito namang sakit na 'to, gumagaling naman 'to," paliwanag niya. "Actually ang sabi nga magpa-opera ka na para matapos na 'yung sakit na 'yan. Pupunta tayo dun pero kasi tinitingnan namin lahat ng way kung papaano para hindi nga surgery ang mangyari. Sana, kasi ayoko."

Regular din umano siyang naglalakad sa swimming pool at may physical therapist na namamahala sa lagay ng kaniyang kalusugan.

Payo ni Maricel sa mga taong may katulad niyang kondisyon, makinig sa kanilang katawan at manatili ang pananampalataya.

"When your body talks, you listen. Dapat ganun eh, sabi kasi nila what you eat today will walk and talk tomorrow. 'Wag mong katakutan 'to, sabihin mo sa kaniya, 'Hindi mo ko kaya. Kaya kita,'" pahayag niya.

"Wag kang matatakot, nandiyan si Lord tsaka dapat lagi nating isipin na 'yung ibang tao nagawan ng himala, ikaw pa ba? Eh love ka ni God, di ba?" patuloy niya.

Pinasalamatan din ni Maricel ang taong sumusuporta at ipinagdarasal ang kaniyang paggaling.— FRJ, GMA Integrated News