Unti-unti nang nakikilala sa glamorosong mundo ng fashion world sa Hollywood ang Batangueñong fashion designer na si RC Caylan.
Maituturing dream come true para sa 41-anyos na Pinoy fashion designer ang unti-unting niyang paggawa ng pangalan sa napili niyang propesyon.
Karaniwang vintage Hollywood glam ang tema ng kaniyang mga disenyo ng kasuotan na may modern touch.
Ilan sa mga kilalang international celebrity na nakapagsuot ng kaniyang mga likha ay sina Carrie Underwood at Oscar winner Marlee Matlin.
"Carrie Underwood picked up my design, it's not only once, [but] twice. I [also] have Helen Hunt, I have Marlee Matlin, she's a first ever Oscar winner na deaf, I [also] have the first ever African American country music singer," ayon kay RC.
Taong 2012 nang makompleto ni RC ang ang kaniyang fashion design course sa Amerika. Pumasok siya ng internship sa Los Angeles kay Joseph Domingo, na isa ring Filipino designer, na naging daan para maipamalas niya ang kaniyang capsule collection na "Ruby."
Ilang taon pa ang lumipas, unti-unti na siyang napansin ng mga A-listers at top international celebrities.
Sa kabila ng kaniyang tagumpay sa Amerika, hindi pa rin nakakalimutan ni RC ang kaniyang pinagmulan. Tuwing ikalawang taon, umuuwi siya ng Pilipinas.
"You have to remind yourself where you've come from. You have to keep your feet on the ground, but as a Filipino, I always believe that Filipinos are very talented, [and] we are resilient," sabi ni Caylan sa panayam ng GMA Regional TV.
Plano ni RC na makapagtayo ng sariling fashion shop at ready-to-wear brand line sa Pilipinas. Bukod sa nais niyang maibahagi sa mga kababayan ang kaniyang obra, nais din niyang matulungan ang iba na nangangarap din sa makilala sa fashion industry. -- FRJ, GMA Integrated News