Apat na buwan lang ang pagitan nang ikasal ang magkapatid na babae noong 1993. Pagkatapos nito, napansin na ang unti-unti umanong paghina ng kabuhayan ng isa sa kanila. Ang hinihinala nilang dahilan--ang sukob na kasal nila. Totoo nga ba ang matandang paniniwala na malas ito?
Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!,” sinabing Enero 1993 nang magpakasal si Gemma Rivera. At makalipas lang ng apat na buwan, nagpakasal din ang nakababata niyang kapatid na si Liezel Cancel.
Ayon kay Rivera, matapos ang kanilang kasal, nawalan ng trabaho ang kaniyang mister.
“Noong taon na ‘yon, unti-unti, parang nawawalan sila. Kasi talagang dati meron sila. Nawalan ng trabaho ang asawa. ‘Yung asawa ko that time, wala rin naman talagang trabaho, pero noong parte na nagsikap, naka-abroad pa siya,” sabi naman ni Cancel.
Ayon kay Rivera, may pagkakataon na sinisisi niya ang kapatid dahil nagsukob sila sa kasal nang magpakasal din ito sa parehong taon nang magpakasal siya.
Para kina Rivera at Cancel, tila pinaglaruan sila ng tadhana kaya nais nilang mawala na sa kanila ng sumpa.
“Lagi kaming nagdadaingan, totohanan. Meron talagang epekto ‘yung sukob,” sabi ni Rivera.
Kung maibabalik daw ang panahon, hindi na siya magpapakasal na sukob sa kasal ng kaniyang kapatid.
Upang mas maunawaan pa ang kanilang nararanasan, binisita sila ng paranormal researcher na si Ed Caluag.
Sa bahay ng magkapatid, sinabi ni Ed na wala siyang kakaibang nararamdaman.
“Sa paranormal side, wala pong masyadong basehan ang sukob. Kasi ang sukob po ay isang pamahiin ng matatanda,” dagdag ni Ed.
“Wala siyang koneksyon. Pero as far as energy is concerned, magkakaroon lang ito ng part doon sa tinatawag nating law of attraction. Negative kasi ang naging paniniwala ng mga tao kapag naririnig ang salitang sukob,” sabi pa ng paranormal expert.
Paliwanag pa niya, ang pinakaepekto ng sukob ay ang “collective consciousness” o kaisipan ng mga tao tungkol sa kamalasan.
“Dito na mangyayari na kapag nakita mo na [ng isang tao] ay umaangat, magkakaroon ka ng negative thinking. ‘Ayan, mamalasin na naman ako.’ Ang isip po kasi natin ay napakalakas,” sabi ni Ed.
Ayon naman sa anthropologist na si Nestro Castro, walang nagdala sa mga Pilipino ng paniniwala ng sukob, kundi isa itong katutubong pamamaraan tungkol sa “spacing” kung saan iniiwasang magsabay ng dalawang magkapatid dahil malaking gastos ito sa pamilya.
Dagdag naman ni Ed, repleksiyon din ito ng kultura ng mga Pinoy tungkol sa pagpapakasal.
“Kung halimbawa dalawa ang anak ko na magpapakasal, mas marami ‘yung ilalabas ko na dote. Ginawa ‘yang pamahiin dahil ang sinasabi na minamalas, kasi mas malaki ‘yung nawawalang kabuhayan sa ‘yo,” paliwanag ni Ed.
Sinabi ni Castro na nakadepende pa rin ang suwerte sa Diyos at sa tao.
“Kahit ‘yung ikakasal, kahit ‘yung magkapatid, hindi naniniwala sa sukob. Pero ‘yung mga kamag-anak, ‘yung mga bisita, naniniwala dito. Kaya't may mga sabi-sabi, ‘Nako, masama ‘yung ginawa nila.’ Kaya't umiiwas ang mga tao sa ganon,” sabi ni Castro.
Gayunpaman, sinabi ni Castro na kung wala namang mawawala, makabubuting irespeto na lang matandang paniniwala.--FRJ, GMA Integrated News