Aabot umano sa P15 milyon ang natangay mula sa mahigit 100 Pinoy "Swifties," na nabiktima ng panloloko ng suspek na kunwaring may ibinibentang tickets para sa "The Eras Tour" concert ni Taylor Swift na gagawin sa Singapore.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, sinabing kabilang sa mga nabiktima ang babaeng itinago sa pangalang Rhea, na nagbayad umano ng P98,000 para sa apat na ticket.
Ayon kay Rhea, nakita niya ang nagbebenta ng ticket sa isang group sa social media. Napaniwala raw siya dahil may nagpapatunay na legit ang transaksyon.
Kasama rin sa mga nabiktima ang Sparkle star na si Sofia Pablo.
"I'm one of the 100 victims," sabi ng aktres.
Ayon kay Sofia, pinakitaan pa siya ng scammer ng pekeng email screenshot ng Ticketmaster na nag-void sa account ng seller dahil may nag-report umano ng pagre-resell niya ng tickets.
Nagpadala din ang suspek ng kaniyang selfie at ID, at nakipag-meet-up sa ibang nabiktima para magpapirma ng kontrata sa bentahan.
Nakasaad sa kontrata na puwede siyang kasuhan ng buyer kapag wala siyang naibigay na tickets.
Pero nang dumating ang araw na dapat na niyang maibigay ang mga ticket, walang naibigay ang suspek.
Idinahilan umano ng suspek na nagkaroon ng problema sa pagkukunan niya ang tickets.
Humingi na ng tulong sa National Bureau of Investigation ang mga biktima para sampahan ng kaso ang suspek.
Nakatakdang gawin ang The Eras Tour sa Singapore mula March 2 hanggang 4, at March 7 hanggang 9, at makakasama rin si Sabrina Carpenter bilang special guest. —FRJ, GMA Integrated News