Sinagot ni Cristy Fermin ang inilabas na pahayag ni Dominic Roque, at sinabing hindi siya hihingi ng paumanhin.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing inihayag ni Cristy sa kaniyang programa na wala siyang binanggit na pangalan o initials nang lumabas ang usap-usapan tungkol sa hiwalayan nila Dominic at Bea Alonzo.
"Mula nang salatin ko po ang isyu ng breakup ni Bea Alonzo at Dominic Roque, ni isang banggit po ng pangalan nitong si Mayor Bullet Jalosjos ay hindi ko binitawan kahit po initials kahit po clue tungkol sa kaniya, wala kayo nalaman mula sa akin," sabi ni Cristy.
Ipinagtataka niya kung bakit nagpaunlak din ng panayam sina Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos at Congressman Bong Suntay tungkol sa isyu.
"Napakalinaw po, wala po kaming sinabi na benefactor ni Dominic Roque itong si Ginoong Bong Suntay," dagdag pa ni Cristy.
Sinabi ni Cristy na hindi siya hihingi ng paumanhin o patawad sa bagay na hindi niya sinabi.
"Hindi ako ang hihingi sa 'yo ng patawad, ni paumanhin, ipagdadamot dahil kahit minsan hindi ko sinabi na si Dominic Roque ay nakatira sa isang condo unit na pagmamay-ari ng isang baklang pulitiko," giit niya.
BASAHIN: Dominic, nilinaw ang mga isyung ibinabato laban sa kaniya kabilang ang condo at 'benefactor'
BASAHIN: Bullet Jalosjos at Bong Suntay, nilinaw ang 'relasyon' nila kay Dominic Roque
Sinabi naman ni Suntay, may-ari ng isang gasoline company na nadamay din sa isyu, na nakikipag-usap na siya sa kaniyang abogado.
"Bullet also wants to file [a case]. Ako, I'm talking to my lawyers also on what we could do. We're just gathering whatever we could find pa so hindi ko pa mapangalanan exactly kung against who. Siyempre, we want to file the strongest case. When you file a case, you wanna win because I'm also a lawyer and gusto ko kung sino 'yung pinaka-most guilty," sabi ng kongresista.
Sinabi ni Suntay na matagal na silang magkaibigan ni Dominic, at wala umanong katotohanan na binigyan niya ito ng gas station.
"Kahit hindi niya pangalanan siyempre, pagkasinabi mo na, sino ba naman 'yung pulitiko na may-ari ng gasoline company? There are malicious people na, 'Uy, ito, may picture kasama si ako,' na 'yun nga 'yung contract signing namin for gas station, 'Oh, binigyan ng gasolinahan,'" paliwanag niya.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig nina Dominic at Mayor Bullet.
Sa inilabas na pahayag ni Dominic nitong Martes, humingi ang aktor ng paumanhin sa mga nadamay sa breakup nila ni Bea dahil sa "malicious, defamatory public innuendos of Ms. Fermin."
Nilinaw ni Dominic na rerentahan niya ang condo ni Jalosjos, na kinumpirma naman ng alkalde.
Inihayag nina Jalosjos at Suntay na naging kaibigan nila si Dominic dahil sa hilig nila sa motorsiklo.—FRJ, GMA Integrated News