Sa taun-taon na pag-obserba ng Kuwaresma ng mga Katoliko na nagsisimula sa Ash Wednesday, ano nga ba ang mas malalim na kahulugan ng pag-aayuno at pangingilin? At paano rin dapat pagnilayan ang ating mga kasalanan?

Ang pagpapalagay ng mga Katoliko ng krus ng abo sa kanilang mga noo sa Ash Wednesday ang hudyat ng pagsisimula ng Kuwaresma o Lenten Season. Sa panahong ito, hinihikayat ang mga mananampalataya na mag-ayuno o fasting, at mangilin sa pagkain ng mga lamang-kati gaya ng karne.
 
Sa pananampalatayang Katoliko, ang Kuwaresma ay higit 40 araw na nagsisimula ng Miyerkoles ng Abo at matatapos sa paglubog ng araw sa Huwebes Santo.

Ayon kay Reverend Father Kevin Crisostomo, kasalukuyang Parish Priest ng San Antonio de Padua Parish sa Parañaque at Head ng Diocesan Social Communications Ministry ng Diocese of Parañaque, kadalasang patungkol sa pag-iwas sa pagkain ang pag-aayuno o fasting.

“All this in the spirit of the Lenten season. Kasi ‘yung Lenten season is 40 days of preparing our hearts to journey with Christ in His passion, death, and resurrection,” saad ni Fr. Crisostomo.

AYUNO
 
Dalawa ang araw ng obligasyon kung saan ang mga Katoliko ay dapat mag-ayuno [fasting] – ang Miyerkules ng Abo at Biyernes Santo.

Binanggit ni Father Crisostomo ang pahayag ng Hesuwitang pari at Associate Professor ng Canon Law na si Father Reginaldo Mananzan, S.J., J.C.D, ang tungkol sa sukat lamang ng pagkain tuwing Miyerkules ng Abo at Biyernes Santo.

“The law of fasting prescribes that only one full meal a day is taken. Two lighter meals are permitted to maintain strength according to each one’s needs.  Eating between meals is not permitted, but liquids, including milk and fruit juices, are allowed,” saad ni Father Mananzanan.

Paliwanag ni Father Crisostomo, “One full meal lang. Pero, you could divide that one full meal into two smaller meals na dapat hindi mag-i-exceed sa one full meal.”

“So for example, ang kain mo ng one full meal is may ulam, may kanin, may gulay. Tapos, ‘yun na ‘yung full meal mo. Hatiin mo sa dalawa, puwede siya maging dalawa. Pero usually, one full meal lang. The rest, you fast,” pagpapatuloy ni Father Crisostomo.

May tatlong kadahilanan kung bakit mahalaga ang pag-aayuno ng isang mananampalataya.

“Three reasons. First, is what we call spiritual discipline. Disiplina ng puso. Kasi ang ating senses, we'd always want something delicious. We'd always want something pleasurable. And in this time of Lenten season, nakikiisa tayo doon sa sacrifice ni Christ. So, it helps us. It helps our senses, disciplines our senses. Hindi lang sa materyal na bagay makakamtan ang saya kundi may mga spirituwal na bagay,” saad ni Father Crisostomo.

“Second, we fast so that others may have. ‘Yung practice natin, ‘yung natitipid sa fasting, hindi mo ipangbu-buffet sa end. Ang natitipid natin sa fasting, you give it to the poor… Third and finally, fasting helps us to focus on the more important things in life,” dagdag niya.

Sa tuwing nagugutom ang isang tao, madalas na “lumilipad” o naglalakbay ang kaniyang isip. Ngunit kapag nag-aayuno, mas napagtutuunan nito ang mga bagay na mahalaga, na hindi lamang materyal kundi espirituwal na bagay.

Nakasaad sa Canon law o batas ng Simbahan na ang pag-aayuno ay dapat gawin ng mga Katoliko na edad 18 hanggang 59, na nangangahulugang hindi na rito kasali ang mga senior citizen at menor de edad.

Bukod dito, “exempted” o hindi rin kasali sa pag-aayuno ang mga maysakit at buntis.

“Pero ang pinakamahalagang fasting, hindi lang ‘yung fasting ng pagkain kundi fasting ng puso. Because our hearts could be very desiring at times. Maraming hinihingi,” saad ni Father Crisostomo.

Sa pananampalatayang Katoliko, may tinatawag na mortification o “dying to one's self.”

“Kasi ang ating self, there is always a desire to accumulate. There's always a desire to have more. There is always a desire for something good and beautiful and pleasurable and delicious. Pero we learn to sacrifice from this. For one, there are people who don't have. Mga taong walang wala. Kaya nakikisa tayo sa kanila,” sabi pa ni Father Crisostomo.
 
PANGINGILIN

Samantala, ang pangingilin o abstinence naman ay ang pag-iwas sa karne, na isinasagawa rin sa Miyerkules ng Abo, Biyernes Santo, at mga Biyernes ng Kuwaresma. Kasama sa mga ipinagbabawal kainin ang mga karne ng baboy, baka at manok.

Bukod dito, ipinagbabawal din ang mga lamang loob gaya ng isaw.

Mga edad 14 pataas naman ang hinihikayat na mangilin.

“Actually ang rule dito is, lahat na may paa. Four-legged animals, two-legged animals. Para madaling intindihin. Pero sa Canon law, nakasulat, meat of mammals and fowl,” ani Father Crisostomo.

Sa halip na karne, isda ang maaaring kainin ng isang mananampalataya, pati na rin ang itlog at juices.

Bukod sa karne, maaari ding ipangilin ng isang mananampalataya ang mga bagay na nagdudulot sa kaniya ng saya.

“In this time and age, it would be also good to consider things that bring us pleasure. Ano ‘yung mga bagay na nagdudulot sa atin ng sobrang-sobrang sarap? Kung masyado kang mahilig sa social media, you could abstain from social media. If you are too much from chismis, puwede kang mag-abstain sa chismis. Anything that brings pleasure. So, that's not just simple. For fasting but also for abstinence,” saad ni Father Crisostomo.

MANGUMPISAL

May tatlong haligi o “pillar” ng pagpapalago ng espirituwalidad sa panahon ng Kuwaresma, ayon kay Fr. Crisostomo, na “fasting, prayer at almsgiving.”

“‘Yung pagtulong sa kapuwa muna tayo of course, Lent is the best time. Because we practice solidarity with our brothers and sisters. Kaya ‘yung naiipon, hindi ‘yun para sa iyo, ito ay para sa iba… Sa almsgiving, anything that we save, we give it to the poor,” ayon sa kaniya.

Tungkol sa pananalangin, sinabi ni Father Crisostomo na ang Kuwaresma ay ang “time or the school of prayer.”

Ayon sa kaniya, ang una at pinakamagandang ginagawa sa Kuwaresma ay ang pagsisimba sa limang Linggo nito.

Bawat Misa sa Linggo ng Kuwaresma ay may mga tema ng paghahandang espirituwal, na maikukumpara sa 40 araw ng pamamalagi ni Kristo sa disyerto.

 

 

Ikalawang parte naman ng pananalangin ang Sakramento ng Kumpisal.

Sinabi ni Father Crisostomo na ngayong Kuwaresma rin ang pinakamagandang panahon para mangumpisal, dahil ito ang panahon para makapagnilay ang isang mananampalataya sa kaniyang mga pagkukulang at kahinaan, at humingi ng awa sa Diyos.

“Sometimes, we think that fasting and abstinence is, pati prayer, parang sakripisyo sa sarili. Pero more than that, it's actually thanksgiving. In the Lenten season, we focus not much on our sinfulness and our shortcomings, but we focus on how God is so good to us despite our sinfulness,” ani Father Crisostomo.

Pangatlo ay ang iba’t ibang uri ng mga debosyon, gaya ng Daan ng Krus at Lenten pilgrimages.

“Oo, makasalanan tayo, pero ang focus ng Lenten season, kung gaano tayo kamahal ng Diyos sa kabila ng ating pagiging makasalanan. So ‘yun ‘yung tatlo sa prayer. The Eucharist, Reconciliation, and the different Lenten devotions.”

SIMBOLO NG ABO

Sa likod ng pagpapahid ng Krus ng Abo sa mga noo ng mga deboto, ano nga ba ang simbolo ng abo?

Unang sinisimbolo umano ng abo ang pagsisisi.

Noong Lumang Tipan, hindi pa naipatutupad ang personal o pribadong kumpisal sa bayan ng Diyos, kundi isinasapubliko muna ang mga kasalanan.

Sa isang publikong pangungumpisal, pupunta ang isang makasalanan sa plaza, lalagyan ang kaniyang sarili ng abo, magsusuot ng sako at sasabihin sa buong sambayanan na “Ako ‘yung makasalang tao,” saka niya ikukumpisal sa taumbayan ang kaniyang mga kasalanan.

Kalaunan, nabago na ito at ipinatupad na ng Simbahan ang “sacramental” o “private, personal” na kumpisalan.

Pangalawa, ang abo ay sumisimbolo rin sa limitasyon o mortalidad ng tao.

“Tayo ay nagmula sa lupa at babalik sa lupa. At wala tayong may maipagmamayabang, may maipagmamalaki sa Diyos,” ani Father Crisostomo.

 

 

Ikatlong kahulugan ng abo ay pagpapakumbaba.

 “‘Yung ash sa noo is a symbol that I am going to join, I am one with the Church. I am one with the faith in practicing and observing the Lenten season. Kaya tayo may ash sa noo,” anang San Antonio de Padua parish priest.

Kinukuha ang mga abong ipinapahid mula sa mga sinunog na palaspas sa Linggo ng Palaspas noong nakaraang taon.

“Bakit kailangan magpalagay? Again, it is our expression of faith. And also our expression of joining Christ in His Lenten journey,” saad ni Father Crisostomo.

Maaaring mapapatanong naman ang ilan kung bawal nga bang maligo o maghilamos pagkagaling sa Simbahan para hindi maalis ang abo sa noo.

Ayon kay Father Crisostomo, walang batas ang Simbahan tungkol sa pag-aalis ng abo sa noo, at hindi rin naman maiiwasang pagpawisan o magpunas ng noo ang isang tao.

“Ang pinakamaganda dito is, we try our best to keep the ash na visible,” payo ni Father Crisostomo. “Kasi ang ash na yan, it's a cross. Ang cross of course is the symbol of Christ, of our solidarity with Christ's suffering.”

Kung ang isang tao ay nagtatrabaho sa isang entertainment business at kinakailangan niyang maging presentable, wala namang problema kung aalisin ang abo.

“Sapagkat ang pinakamahalaga, yung cross na nasa puso. We just don't have cross in our foreheads, but a cross in our hearts, na even in our hearts, even without the external manifestation,” sabi ni Father Crisostomo. “Let it happen naturally.”

Ang krus ay maituturing ding “plus sign” kung saan dapat may maidagdag sa isang mananampalataya ngayong Kuwaresma.

“Sometimes, we think that Lenten season is about pagbabawas, it's about removing something, sacrificing something. But the Lenten season should also add up something. Kaya ‘yung cross is a plus sign. Gusto natin madagdagan na sana sa Lenten season after this, with all our sacrifices, mas maging magpagpasensiya ako, mabait, maunawain, mapagpatawad, may madagdag sa atin. So that is the symbol of the ash,” dagdag niya.

MANGILIN DIN SA PAGSIPING?

Para sa mga mag-asawa, dapat din bang "mangilin" sa pagsisiping sa panahon ng Kuwaresma? Ayon kay Father Crisostomo, ang pangingilin ay pumapatungkol lamang sa mga pagkain, at walang binabanggit ang Iglesia Katolika sa mga patakaran nito sa Kuwaresma tungkol sa pakikipagtalik.

“But I think there are some who, because of course, let's face it, part of the sexual act is pleasure, they also include that as their sacrifice. So it's not required, but if it is helpful for the believer, we believe in the saying, ‘whatever helps,’” sabi niya.
 
“So kung makakatulong na mag-abstain ng 40 days, huwag muna tayong gumawa ng mga bagay na ganito (pakikipagtalik), kung makakatulong, go for it. So it's not required because abstinence is only for food according to canon,” dagdag pa niya.

PAANO KUNG HINDI NAG-AYUNO?

Ano naman ang sasapitin ng isang Katoliko na hindi nag-ayuno o hindi nakasunod sa gawing ito ng Katoliko?
 
“Of course, we believe in the conscience. May konsensiya tayo eh. ‘Yung conscience is defined as our openness to goodness. May kabutihan ‘yung sakripisyo. At tinuturuan tayo ng pagtitiis, pagtitiyaga, mga bagay na magaganda. Marami itinuturo sa atin. Kung 'di tayo mag-ayuno, it would be more of a loss than a gain. Mas may nawawala sa iyo kaysa sa magkakaroon,” saad ni Father Crisostomo.

Maaaring ang ilan ay naniniwalang matutupad ang kanilang mga “kahilingan” kung makumpleto nila ang kanilang 40 araw ng pananalangin at mga sakripisyo sa Kuwaresma.

“Wala tayong ganitong paniniwala. Even in Tradition, wala tayong ganitong paniniwala,” saad ni Father Crisostomo.

Ayon sa kaniya, pinaka-importante ang “heart of the sacrifice.”

“Ang goal sana nitong Lenten season, we become a better person after the Lenten season. Sayang ang Lenten season kung nag-Stations of the Cross ka nga, nag-pilgrimage ka sa kung saan-saan, kinumpleto mo ‘yung mga Misa, nag-aayuno ka, nagdasal ka, hindi ka naman nagbago,” diin niya. -- FRJ, GMA Integrated News