Lumampas na sa kaniyang destinasyon ang isang lalaki pero hindi siya makababa sa sinasakyang jeepney dahil sa nakita niyang P1,000 sa ilalim ng upuan.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ikinuwento ni Mico Alejo, 23-anyos na galing siya noon sa trabaho at nakasakay sa jeep na rutang Baclaran nang mapansin sa ilalim ng upuan ang P1,000 papel noong Enero 31.
Hindi raw niya alam kung paano niya kukunin ang pera kahit nakabababa na ang iba pa niyang kapuwa pasahero at nakalampas na siya sa kaniyang bababaan.
Maging ang driver ng jeep, napansin na siya na lang ang naiwang pasahero. Umisip pa si Mico ng mga taktika kung papaano niya kukunin ang pera gaya ng paglaglag kunwari ng barya.
Pero nangangamba rin si Mico na baka social experiment lang ang lahat, at baka may palihim na video na kumukuha sa kaniya.
"Baka mamaya makita ko yung sarili ko sa Youtube na ako pala yung hindi honest na nakapulot ng pera," saad niya.
Sa huli, nagpasya si Mico na kunin na ang pera dahil baka may sumakay pa na iba at kumuha sa pera.
Malaking tulong daw sa kaniya ang P1,000 dahil nang araw na iyon ay wala siyang kapera-pera.
Pero binagabag pa rin siya ng konsensiya nang magdamag dahil sa pera hindi niya pinaghirapan.
"Nakakakonsenya kasi. Ako kasi kapag gumagastos ako ng mga bagay na bibilhin ko, damit, pagkain, gusto ko pinaghirapan ko," saad niya.
Nang i-post niya ang video sa pagkapulot niya ng pera, may mga nag-message sa kaniya na inaangkin ang pera pero kadudada naman daw.
Sa huli, nagpasya si Mico na gastusin ang pera at ipinambili niya ng pagkain na ipinamigay niya sa mga nakatira sa lansangan.
"Sobrang saya po nila. Noong una parang hindi pa sila makapaniwala. Hanggang sa sabi ko totoo po 'yan, bigay ko na lang po 'yan," kuwento niya.
Napag-alaman na minsan din palang tumira sa kalye ng may isang taon si Mico nang magkaroon ng problema ang kaniyang pamilya.
Payo ni Mico sa mga mahaharap sa katulad na sitwasyon, "Kapag nakakapulot ka dapat pag-isipan mo ng three time kung saan mo dadalhin iyong pera na 'yon." --FRJ, GMA Integrated News