Ang natigil na negosyong fried chicken ng biyenan, muling binuhay ng mag-asawa sa Bohol sa puhunang P15,000.00. Pagkalipas ng ilang taon, mayroon na ito ngayong 70 branches sa Bohol at Cebu-- ang Paeng's Kanto fried chicken.
Sa programang "Pera Paraan," hindi inakala ng mag-asawang Uma at James EspiƱosa, na lalago nang sobra ang itinayo nilang negosyo noong 2015 na fried chicken.
Ang mga magulang ni James ang dating nagtitinda nito pero itinigil. Pero dahil patuloy na may naghahanap ng naturang lutuin, naisipan ng mag-asawa na buhayin itong muli.
Pero sa halip na maghanap ng puwesto, sinimulan nina Uma at James sa packed meal ang kanilang manok na idinideliver nila gaya sa city hall gamit ang P15,000 na puhunan.
Nang pumatok at marami na ang naghahanap sa kanilang manok, nagsimula silang maghanap ng puwesto at dinagdagan na rin nila ang inihahaing putahe ng manok
At pagkalipas ng ilang taon, mayroon na ngayon silang 50 branches sa Bohol, at 20 branches naman sa kalapit na lalawigan ng Cebu.
Kung dati ay nagsimula lang sila sa 20 manok na nakokonsumo sa isang araw, ngayon, umaabot na sa 3,000 na manok na para sa kanilang mga branch sa Bohol, at nasa 1,500 na manok naman para sa kanilang mga sangay sa Cebu.
Ang kanilang kita sa isang branch, umaabot sa P100,000 hanggang P300,000.
Ayon kay Uma, bukod sa signature taste ng kanilang manok, made with love daw ang kanilang produkto.
At maliban sa nakapagbibigay sila ng trabaho sa iba, tumutulong din ang mag-asawa kapag may mga nabibiktima ng kalamidad.
Payo ni Uma sa mga katulad nilang nais pumasok sa negosyo, "Never give up lang talaga. So every time you dream, you do it. Of course samahan niyo ng prayers." -- FRJ, GMA Integrated News