Parang anak na ang turing ng isang 68-anyos na lolo sa Naga City, Cebu sa alaga niyang kalabaw na katuwang niya sa bukid. Kaya naman ganun na lang ang kaniyang pag-iyak nang bigla itong mamatay matapos niyang pabakunahan.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na tatlong taon nang kasama ni Lolo Andres sa pagsasaka ang kaniyang kalabaw na mahal na mahal daw niya kaya pinapakaingatan din niya.
Mag-isa na kasi siya sa buhay dahil may pamilya na ang kaniyang mga anak, at pumanaw na rin ang kaniyang kabiyak sa buhay.
Kahit mag-isa lang ang kaniyang kalabaw, malaking tulong daw ito sa kaniya sa pagbubungkal ng may isang hektaryang lupa na kaniyang sinasaka.
Kaya naman nang malaman niya na may libreng pabakuna ang City Veterinary Office ng lungsod, naisipan ni Lolo Andres na dalhin at pabakunahan ang kaniyang kalabaw kasama ang tatlo pang baka noong nakaraang linggo.
Matapos niyang sabihin sa mga namamahala sa pagbabakuna na walang sakit ang kaniyang alaga, pinurga na ito at tinutukan ng bitamina at gamot.
At pagkaraan ng isang oras, umuwi na sina Lola Andres kasama ang kaniyang kalabaw at mga baka.
Pero habang naglalakad, napansin ng kaniyang apo ang bumabagal sa paglalakad ang kalabaw.
Hindi nagtagal, bumagsak na ito at namatay.
Wala nang nagawa si Lolo Andres kung hindi iyakan ang kaniyang alaga. Iyon daw ang unang pagkakataon na pinabakunahan niya ang kaniyang kalabaw kaya nagsisisi siya.
"Kung alam ko lang 'yon [ang mangyayari] 'di ko sana pina-inject," saad niya.
Pero may kinalaman nga ba ang itinurok sa kalabaw kaya bigla itong namatay? Ayon sa mga opisyal ng veterinary office, bakuna na pangontra sa hemorrhagic septicemia o pangonta sa sipon at limping ng mga alagang hayop ang itinurok nila sa mga hayop.
Taun-taon daw itong ginagawa ng lungsod. Bukod sa walang ibang hayop na namatay matapos mabakunahan, maayos din ang kalagayan ng tatlong baka na kasamang pinabakunahan ni Lolo Andres.
Posible umano na may ibang sakit na ang kalabaw ni Lolo Andres at hindi lang napansin dahil walang ipinapakitang sintomas.
Ang kalabaw ni Lolo Andres, inilibing na lang. Pero problemado siya kung papaano siya makakabili ng bagong magiging katuwang sa pagsasaka.
Bagaman nangako ang city vet office na tutulong para mapalitan ang kalabaw, may isang vlogger na nagkaloob ng ayuda kay Lolo Andres, at may sorpresang papawi ng kaniyang matinding kalungkutan.
Panoorin ang video.-- FRJ, GMA Integrated News