Nagpasa ng batas ang Kongreso ng South Korea para matigil na ang nakaugaliang pagkain ng karne ng aso. Mayroon umanong 3,500 farms na nag-aalaga ng nasa 1.5 milyong aso para ibenta ang karne sa may 3,000 restaurant ang maaapektuhan ng naturang batas.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nakaugalian na ng mga Korean ang pagkain ng aso pero nagbago na ito makaraang dumami ang nag-aalaga ng naturang hayop at itinuturing miyembro ng pamilya ang tinatawag na "man's best friend."
Ayon sa mga magsusulong na itigil na ang pagkain ng karne ng aso, kadalasang kinukuryente o binibigti ang mga aso na kakarnehin. Iginiit naman ng mga breeder at nagbebenta ng karne ng aso na may mas "humane" na paraan na ngayon sa pagkatay ng nasabing hayop.
Pero lumakas umano ang suporta na ipagbawal na ang pagkatay sa mga aso sa ilalim ng liderato ni President Yoon Suk Yeol, na kilalang animal lover.
Mayroon siyang anim na aso at walong pusa, at kilalang kritiko rin ng pagkain ng karne ng aso ang kaniyang first lady na si Kim Keon Hee.
Sa nakalipas na mga taon, tumaas ang bilang ng mga Korean na nag-aalaga ng aso. Isa sa bawat apat na pamilya ay mayroon na umanong alagang aso noong 2022.
Sa ilalim ng ipinasang batas, may parusang pagkakakulong ng hanggang tatlong taon o multang o 30 million won ($22,800) ang mga magpaparami ng aso para sa kanilang karne.
Hindi naman nakasaad ang parusa sa mga taong kakain ng karne ng aso.
"This is history in the making," sabi ni Chae Jung-ah, executive director ng Humane Society International Korea, isang animal protection group. "We have reached the tipping point where most Korean citizens reject eating dogs and want to see this suffering consigned to the history books."
Sinabi naman ni Son Won-hak, isang opisyal ng Korean Association of Edible Dogs, na koalisyon ng mga breeder at seller, na plano ng kanilang grupo na dahil ang usapin sa kanilang Constitutional Court.
Bago pa man maipasa ang batas, nais ng koalisyon na bayaran sila sa pamamagitan ng kompensasyon dahil sa maaapektuhan umano ang kanilang kabuhayan. Hiniling nilang bayaran ng 2 million won ($1,520) ang bawat aso sa susunod na limang taon.
Hindi pa kasama rin ang kabayaran sa kanilang mga maaapektuhang pasilidad.
Batay sa pagtaya ng Agriculture ministry, tinatayang mayroong 1,100 farms ang nagbi-breed sa hanggang 570,000 aso na dinadala sa 1,600 restaurant hanggang noong April 2022.
Pero ayon sa farmers' association, aabot sa 3,500 farms na nagbi-breed ng 1.5 milyon na aso at 3,000 restaurant ang maaapektuhan ng ban sa dog meat. —Reute/FRJ, GMA Integrated News