Mula sa pagiging anak ng isang magsasaka sa Pangasinan na walang sariling lupa noon at laki sa hirap, ngayon, isang haciendera na si Mila Fajardo Buser na may-ari ng malawak na lupain sa Switzerland.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala si Mila, na may-ari ng 22 ektaryang hacienda sa Busel, Switzerland.
Pero bago makarating si Mila sa Switzerland kung saan niya nakilala ang kaniyang mister na si Paul, napag-alaman na naging domestic helper muna siya sa Saudi Arabia upang makatulong sa kaniyang pamilya.
Pang-walo sa 10 magkakapatid si Mila, na tubong-Rosales, Pangasinan. Dahil sa hirap ng kanilang buhay, high school lang ang kaniyang natapos.
At dahil hindi na sila makapag-aaral, nagdesisyon si Mila na magtrabaho na sa Saudi bilang DH sa murang edad na 17.
Ngunit sa kabila ng kaniyang hangarin na matulungan ang kaniyang mga magulang, hindi inasahan ni Mila na biglang mamamatay ang kaniyang ama dahil sa atake sa puso sa edad na 56.
Hanggang ngayon, dala pa rin ni Mila ang lungkot dahil sa pangyayari.
"Ang masakit, namatay ang tatay ko nung nandoon ako sa Saudi. Masakit po 'yon sa akin," saad niya. "Nag-ano kami sa mga kamag-anak namin, lumapit po kami sa mga kamag-anak namin yun bang kumbaga pamasahe lang. I mean yung baon ko, wala pong nagbigay kahit isa."
Nakatatak pa rin sa isipan ni Mila ang alaala ng kaniyang ama nang huli niya itong nakitang buhay bago siya umalis at magtrabaho sa Saudi.
"Nasa gilid po siya, sabi niya sa akin, 'Anak kaya mo bang umalis?' Kasi siyempre 17 lang ako noon," ayon kay Mila.
Mula sa Saudi Arabia, nakipagsapalaran si Mila sa Switzerland at doon niya nakilala ang kaniyang naging asawa na si Paul, na galing din sa pamilya ng mga magsasaka.
Nagkaroon sila ng limang anak na mga pawang mga propesyonal na ngayon.
Magkatuwang nilang itinaguyod ang kanilang taniman noon at ibinebenta nila sa kanilang mga aning prutas at gulay sa kanilang puwesto sa Busel.
At mula sa maliit na lupang taniman, nagtulungan ang mag-asawa hanggang sa magkaroon na sila ng hacienda. Bukod sa taniman, mayroon na rin silang mga alagang baka.
Bumili na rin si Mila ng lupang taniman sa Pangasinan na may basbas ni Paul. Ang mga kapatid at pamangkin niya ang namamahala na nakatutulong sa kanilang pangangailangan.
Kung dati ay lubog sa kahirapan ang buhay ni Mila, ngayon, masayang-masaya na siya sa kaniyang buhay.
"Mangarap lang sila nang mangarap. Tuloy lang nila yung pangarap na 'yon," payo ni Mila na nagsabing huwag ding kalimutan na tumulong. Tunghayan sa video ang buo niyang kuwento.-- FRJ, GMA Integrated News