Sa programang "Pinoy MD," may nagpadala ng tanong tungkol sa "dextrocardia" na lumabas umano sa resulta ng kaniyang 2D echo matapos na makaramdam ng hingal. Ano nga ba ang dextrocardia na isang kondisyon sa puso at dapat ba itong ikabahala?
Ayon kay Dr. Oyie Balburias, ang dextrocardia ay tumutukoy sa posisyon ng puso na sa halip na pakaliwa ay nakaposisyon pakanan.
Pagkapanganak pa lang, maaari nang makita kung kung mayroong dextrocardia ang sanggol.
Isolated case daw o isolated dextrocardia kung walang kaakibat na ibang congenital heart defect ang pasyente.
Paliwanag ni Doc. Oyie, maaari namang mabuhay nang normal ang isang tao na may dextrocardia kung wala siyang ibang problema sa puso.
Ngunit kung may kaakibat itong congenital heart defect, maaari itong maging symptomatic dextrocardia.
Posible umanong magkaroon ng kaakibat na epekto sa puso ang may dextrocardia kapag nagkakaroon na ng edad ang pasyente dahil na rin sa pressure sa puso.
Kaya naman ipinapayo na komunsulta sa cardiologist ang isang tao kung may ibang nararamdaman sa puso gaya ng pagkahingal.
Panoorin ang buong pagtalakay sa video pati na ang mga impormasyon tungkol sa sakit na hepatitis, at ang pagkakaiba ng hepatitis A at hepatitis B.— FRJ, GMA Integrated News