Sa post ni Janno Gibbs sa Instagram na pagbibigay-pugay sa namayapa niyang ama na si Ronaldo Valdez, nagpaabot ng pakikiramay ang ilang celebrity, kabilang ang kaniyang malapit na kaibigan na si Ogie Alcasid.

Sa Instagram, nag-post si Janno ng masayang twinning photo nila ng kaniyang ama.

"The Sweetest Dad Ever," saad ni Janno sa caption na may kasamang emojis.

Sa comment section, nagpahayag ng pakikiramay ang mga followers ni Janno, kasama ang ilang celebrities, pati na ang kaniyang matalik na kaibigan na si Ogie Alcasid.

"He was a wonderful human being bro. Naalala ko lahat ng kwento mo tungko sa kanya. He was your hero and your no 1 fan too. He was so proud of you," sabi ni Ogie.

"Yakap my brother. Dasal para sa pamilya," patuloy niya

Nagpasalamat naman si Janno kay Ogie.

 

 

Nakiramay din si Geneva Cruz kay Janno at sa pamilya nito. Sinabi rin niya na, "The kindest human too" ang pumanaw na beteranong aktor.

Ilan sa mga celebrity na nagpaabot ng pakikiramay kay Janno at sa kaniyang pamilya ay Billy Crawford, Kim Rodriguez, Mark Herras, Nelson Canlas, Ruffa Gutierrez, JC Bonnin, Vhong Navarro, at Tina Paner.

Nitong Linggo ng hapon nang makita ang 76-anyos na si Ronaldo na walang malay at may tama ng bala ng baril sa kaniyang kuwarto sa Quezon City, ayon sa pulisya.

Isinugod siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

May nakita ring baril sa kamay ng aktor.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa pangyayari.

Nauna nang nag-post si Janno upang hilingin na bigyan sila ng privacy upang makapagluksa.

"Your prayers and condolences are much appreciated," ani Janno.-- FRJ, GMA Integrated News