Viral sa social media ang hairstyle ni Kris Bernal noong sumali siya sa "Starstruck." Hindi nga ba nagustuhan ng Kapuso actress ang ginawa noon sa kaniyang buhok?

Sa  throwback video na ipinost ng GMA Network sa Instagram, mapapansin si Kris na tila galing sa pag-iyak nang ipakita ang maigsi niyang buhok at hindi pantay na bangs at naka-layer.

Saad sa caption ng video, “Yung sabi mo trim lang pero paladesisyon stylist mo.”

 

 

Sa kaniyang Instagram story, nagkomento si Kris tungkol sa naturang video.

“Yung trauma ko dito,” saad niya. “Chareeeet."

Bukod sa netizens, nag-iwan naman ng laughing emojis ang ilang Kapuso celebs sa naturang post gaya nina Carla Abellana, Chuckie Dreyfus, at Rita Daniela.

Unang natunghayan si Kris nang sumali siya sa "Starstruck: The Next Level" noong 2006.  Itinanghal siya bilang Ultimate Loveteam kasama si Mart Escudero. Si Jewel Mische ang naging Ultimate Sweetheart, at si Aljur Abrenica ang Ultimate Hunk.

Ngayon, isa nang ina si Kris matapos isilang ang first baby nila ni Perry Choi na si Hailee Lucca, noong Agosto. —FRJ, GMA Integrated News