"Pamatay" ang mga papremyo sa Christmas party ng isang samahan na ang grand prize, ataul na aabot sa P200,000 ang halaga. Ang pakontes nila, pagalingan sa funeral make-up.
Sa programang "Dapat Alam Mo!," sinabing ang Christmas party ay gawa ng Philippine Mortuary Association, o samahan mga funeral homes owner sa bansa.
Ayon kay Jordan Miranda, spokesperson ng asosasyon, kasama sa party at mga may-ari ng punerarya at suppliers, na mula Luzon hanggang Mindanao.
Tradisyon na raw sa kanilang taunang Christmas party ang magpa-raffle ng ataul, bukod pa siyempre sa mga appliances at cash.
Ngayon taon, anim na ataul ang ipina-raffle na ang pinakamahal ay nagkakahalaga ng aabot sa P200,000 na isang 20 gauge steel casket.
May ipina-raffle din na funeral viewing light sets, o yung mga ilaw na ginagamit kapag may ibinuburol. Kasama na rin ang stand kung saan inilalagay ang detalye ng burol.
Sinabi ni Jordan, na kung minsan ay itinatabi ng mga nanalo ang napanalunang ataul para sa kanilang personal use. Mayroong ding idino-donate ang ataul, at mayroon ding nagbebenta.
Ang taga-Las Pinas na nanalo ng grand prize na ataul, sinabing malaking tulong ito sa kaniya dahil dagdag pang-kapital. -- FRJ, GMA Integrated News