Sa halip na makapag-relax, disgrasya ang inabot at nauwi pa sa kasuhan ang nangyari sa isang babaeng modelo sa Thailand nang pumalya ang traditional treatment na 'Phao Ya' na ginawa sa kaniya ng isang doktor sa loob ng isang klinika.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video ang modelong si Game, habang nakahiga sa kama sa loob ng klinika para sumalang sa Phao Ya, isang natural treatment.
Sa naturang treatment, nilalagyan ng mga tuyong herbs ang ibabaw ng tiyan at pagkatapos ay sisindihan para masunog. Sinasabing makatutulong daw sa digestion ng babae ang naturang treatment.
Pero nang sindihan na ng duktor ang herbs, tumagas ang apoy sa katawan mismo ni Game at mabilis na kumalat.
Nagsisigaw si Game at bumagsak sa sahig.
Habang nagtulong-tulong ang mga staff na patayin ang apoy, mabilis umanong umalis ang duktor na nagsindi ng herbs.
Ilang saglat lang ay napatay na rin ang apoy pero nagtamo siya ng 3rd-degree burns na umabot sa kaniyang likod.
Dalawang buwan daw na hindi nakakilos nang maayos si Game dahil sa tinamo niyang sunog sa katawan. Pero masuwerte pa rin daw siya dahil hindi siya nagkaroon ng impeksyon.
"We used insurance, but my hospital bills were expensive. The clinic didn't help us. Now it's affecting my work," saad niya.
Ayon sa abogado ni Game, tumanggi ang klinika na panagutan ang nangyari. Nagisisihan daw ang klinika at ang duktor.
"My client has had to bear the hospital bills on her own and her wounds are not even healed. I am assiting her to ensure that those responsible pay the suitable compensation," sabi ni Atty. Guntouch Pongpaiboonwet, abogado ni Game.
Wala pang opisyal na pahayag na inilalabas ang klinika at ang doktor sa nangyaring insidente.
Samantala ang health ministry ng Thailand, sinabing iyon ang unang nai-report na insidente tungkol sa pagsasagawa ng Phao Ya.
Iimbestigahan daw nila ang nangyari, pati na ang duktor.-- FRJ, GMA Integrated News