Patuloy na gagamitin ng Television and Production Exponents, Inc. (TAPE) ang "Eat Bulaga" sa kanilang noontime show habang wala pang pinal na desisyon ang Intellectual Property Office (IPO) tungkol sa kung sino ang tunay na may-ari nito.
Sa isang pahayag, sinabi ni TAPE’s legal counsel Atty. Maggie Garduque, na iginagalang nila ang batas kaya susundin nila ang proseso.
“As confirmed by the statement released by IPO today, TAPE has a period of 15 days to appeal the decision of the adjudication officer to the Director of the BLA-IPO. Then, appealed decisions may still be appealed to the Director General of IPO within 30 days,” ayon sa pahayag.
Nitong Martes, naglabas ang desisyon ang IPO na kinakansela ang trademark registration ng TAPE Inc. para sa pangalang "Eat Bulaga" at "EB."
Sa press conference nitong Miyerkules, sinabi nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon, na dapat itigil na ng TAPE ang paggamit sa “Eat Bulaga.”
Paliwanag ng TAPE sa inilabas nilang pahayag, mawawalan ng saysay ang kanilang apela kapag susundin ang gusto nina Tito, Vic at Joey.
Sinabi rin ng TAPE na dapat hindi gamitin nina Tito, Vic at Joey ang Eat Bulaga sa programa nito habang hindi pa pinal ang desisyon.
“The appeal will be considered moot and academic if it heeds to the plea of TVJ. In the same vein, TAPE likewise hopes that TVJ will not use Eat Bulaga pending the appeals in accordance with the law and rules and wait for the finality of the decision,” ayon sa TAPE. — FRJ, GMA Integrated News