Isinugod sa ospital ang isang binata sa Calbayog, Samar matapos na mag-seizure at magsuka. Ang hinala ng kaniyang pamilya, ang gamot o bitamina na pampataba umano na iniinom nito ang dahilan kaya siya nag-agaw buhay. Ano nga ba ang gamot o bitamina na ito na puwede raw mabili kahit walang reseta at mabibili maging sa online shop?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo Jessica Soho," ikinuwento ni Mary Joy Corpenio na tinutukso noon ang kaniyang anak na si Joel dahil sa pagiging payat nito.
Maging ang nililigawan daw ng binata, pinansin ang maliit nitong pangangatawan. Kaya naman si Joel, sinubukan ang trending na gamot o bitamina na kaya raw magpataba at makikita raw kaagad ang resulta.
Ayon kay Aling Joy, dalawang uri ng tableta ang iniinom ng kaniyang anak pagkatapos kumain.
Hindi naman nabigo si Joel dahil nakita niya na nadagdagan ang laman ng kaniyang katawan. Kaya nang maubos ang gamot na bigay ng kaniyang kaibigan, bumili muli siya online.
Pero makalipas pa ang ilang buwan, unti-unti umanong may naramramdaman na hindi maganda sa katawan si Joel gaya ng pananakit ng ulo.
Hanggang sa nakaranas na siya ng seizure at magsuka kaya isinugod na siya sa ospital.
Si Peter John Ygrubay, uminom din daw ng naturang gamot at tumaba rin makaraang lang daw ng ilang linggong pag-inom.
Pero nitong nakaraang Hunyo, nakaramdaman ng hindi maganda sa kaniyang kalusugan si Peter John at nagkaroon ng manas.
Tila humina umano ang kaniyang immune system, nagkaroon siya ng UTI, at tumaas ang uric acid.
Ilang kalalakihan pa ang sumubok din umano ng naturang gamot o bitamina na pampataba pero nakaramdam din ng side effect gaya ng madaling mapagod.
May kinalaman nga kaya ang naturang gamot o bitamina sa sinapit ng ilang kalalakihan na sa halip na gumanda ang katawan ay nauwi sa ospital? Ano nga bang gamot o bitamina ito na napag-alaman na cyproheptadine at hydrochloride? Tunghayan sa video ng "KMJS" ang buong kuwento. -- FRJ, GMA Integrated News