Sa halagang P50.00 hanggang P200.00, puwede na raw maging miyembro ng isang korporasyon na sinasabing hari ang may-ari. Kapalit nito ang napakaraming pangakong benepisyo kagaya ng pabahay at lupa, at cash assistance na P10,000 bawat buwan. Pero totoo ba naman ito? Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang tinutukoy na korporasyon ay ang Universal Tribes International Holding Corporation o UTIHC, na sinasabing pag-aari ng isang hari na nagpakilalang si si Edgardo Los Baños, na tinatawag ding nilang HM JPRMA, na apo at tagapagmana raw ni Dr. Jose Rizal.
Ayon sa ulat, nangangako raw ang korporasyon sa mga magiging miyembro na magkakaroon ng sariling bahay at lupa, libreng serbisyong medikal, P10,000 halaga ng grocery at P10,000 cash assistance bawat buwan.
Sa ngayon, umaabot na umano ang miyembro ng korparasyon sa isang milyon, na karamihan ay mula sa Visayas at Mindanao.
Si haring Los Baños na anim na lengguwahe raw ang alam, may sarili pang tagapagbantay o marshal. Sa kaniyang pakilala, nagtapos daw ito ng kursong Architecture sa University of the Philippines.
Ang kaniya naman daw reyna na kaniyang live in partner, isa umanong propesora.
Hindi raw mahigpit sa pagsala sa mga nais maging miyembro ng korporasyon basta kayang magbayad ng fee na P50 hanggang P200.
Pero sino nga ba ang sinasabing hari na si Los Baños, at bakit may mga miyembro at dating lider na nagrereklamo laban sa kaniya? Naibibigay naman kaya sa mga miyembro ang mga ipinangako nitong benepisyo?
Alamin sa buong ulat ng "KMJS" at ang kanilang natuklasan tungkol sa umano'y hari na si Los Baños. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News