Sa Instagram, nag-post si Kris ng video habang iniinom ang green juice na pinagsama-samang cucumber, spinach, at apple na inihanda ng kaniyang anak na si Bimby.
Sa caption, sinabi ni Kris na may abnormalities sa kaniyang blood panel.
"My hemoglobin hit an all time low, my sodium was as always low, but my potassium also dropped. If I want to get healthier it starts with my nutrition," saad ng multimedia personality.
Ayon kay Kris, ang kaniyang Churg-Strauss syndrome, na nakakaapekto sa blood vessels, ay maaaring magdulot ng pinsala sa kaniyang organs.
"My lungs have already shown some minor damage, but my now heart is showing signs of exhaustion— just to pump blood that lacks nutrients all over my body, kailangan mag-overcompensate," paliwanag niya.
Sinabi ni Kris na ipinaliwanag sa kaniya ng kaniyang doktor na ang sintomas— ang pagtaas ng heart rate matapos maligo, constant dizzy spells, at sakit ng ulo—ay nagsisilbing babala tungkol sa kaniyang kalagayan.
"Unless I start trying to eat real food and not rely on milk alone, I could be among the seven out of 10 patients with Churg-Strauss who attribute their death to heart failure," pahayag niya.
"Bawal ang unnecessary stress. Let's please continue praying for one another," dagdag ni Kris.
Mahigit isang taon na si Kris sa Amerika para ipagamot ang kaniyang autoimmune conditions.
Ibinabahagi niya sa kaniyang followers ang kaniyang kalagayan, kasabay ng paghihinga niya ng dasal, at pasasalamat sa mga patuloy na nananalangin para sa kaniyang paggaling. --FRJ, GMA Integrated News