Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, muling inusisa kung mayroon bang romantikong namamagitan kina Buboy Villar at Jelai Andres.

“Kayo na nga ba ni Jelai Andres?” tanong ni Tito Boy sa dalawa.

“Hindi po Tito Boy,” sagot naman ni Buboy.

Dahil dito, tinanong ng King of Talk ang komedyante kung wala bang pagkakataon na sumagi sa isip niya na bakit hindi niya ligawan si Jelai.

Pag-amin ni Buboy, madaling mahulog ang loob niya sa babae pero hindi niya rin maisip kung bakit hindi iyon nangyayari kay Jelai.

“Actually, Tito Boy maraming beses na po 'yan. Tinatanong ko rin po 'yung sarili ko na, 'Bakit nga ba na mabilis akong ma-fall pero bakit hindi ako na-fall sa'yo," patungkol niya kay Jelai na katabi niya

"'Yun po 'yung questionable din sa akin. Pero alam ko pong special si Jelai,” dagdag ni Buboy, na dinugtungan niya ng paliwanag na nakatuon ang atensiyon niya sa ngayon para sa dalawa nilang anak ni Angillyn Gorens.

Biro ni Jelai kay Buboy, “Hindi ba ako ka-fall-fall Buboy?”

"Hindi naman sa ganda mong 'yan?,” natatawang sagot ng komedyante.

Natutuwa naman si Jelai na tunay ang pagiging magkaibigan nila ni Buboy.

“Na-a-appreciate ko 'yon Tito Boy kasi mas nararamdaman ko na pure 'yung friendship. Nasusuklian 'yung pure na friendship na nabibigay ko,” saad ng dalaga.

Kaya naman daw komportable siyang kasama si Buboy na walang halong malisya.

Ayon kay Buboy, ang ex-wife niyang Angillyn ang unang nakilala ni Jelai, at naging daan para maging magkaibigan sila.

“Magkaibigan talaga sila, kasi iniidolo niya nga itong si Jelai. Siya po 'yung naging tulay din namin para maging magkaibigan kami,” kuwento ni Buboy.-- FRJ, GMA Integrated News