Pinipilahan ngayon sa Maynila ang produktong cassava cake ng isang tindahan, na mas naipakilala sa masa sa tulong ng vloggers. Ang negosyo, kumikita ng P5,000 hanggang P7,000 kada araw.
Sa programang Pera Paraan, itinampok ang “Anniella’s Leche Flan” ni Realiza Balahim, na nagtitinda ng mga panghimagas sa may España Boulevard.
Dinudumog ang kanilang tindahan dahil sa kanilang leche flan, na libo-libo ang naibebenta kada araw. At ngayong taon, inilunsad din nila ang bago nilang produkto at bagong pinipilahan na kalye-style doughnuts.
Kasama rin sa patok nilang produkto ngayon ang cassava cake.
Ayon kay Liza, 2016 nang simulan ng kaniyang pamilya ang pagtitinda ng panghimagas sa bangketa, at umutang sila ng P30,000 bilang puhunan.
Unang pumatok ang kanilang leche flan at nagtuloy-tuloy ang pag-asenso nito. Nakakuha na rin sila ng sarili nilang puwesto.
Pero ang cassava cake, hindi kasing-tamis ng leche flan ang tagumpay sa simula dahil hindi kaagad tinangkilik ng masa.
Ngunit nang itampok umano ng mga vlogger ang kanilang cassava cake, doon na nagsimulang makilala ang naturang produkto hanggang sa dumami na bumibili at umu-order.
Sa isang araw, nakagagawa sila ng 500 hanggang 1,000 na cassava cake, at iba pa ito ang mga umu-order na umaabot sa 5,000 piraso.
“Sobrang pasalamat ko kay Lord, binigyan kami ng ganitong hanapbuhay. Kasi halos lahat pumatok siya eh, kaya blessed na blessed kami talaga,” sabi ni Liza.
Dahil din sa kanilang mga ibinibentang matatamis na pagkain, umasenso ang kanilang buhay.
Bukod dito, natulungan din ni Liza na maiahon sa kahirapan ang kaniyang mga trabahador, at sinasagot ang pagpasok nila sa pag-aaral, pagkain, at uniform.
Papaano nga ba ginagawa ang masarap na cassava cake nina Liza na mano-mano pa rin ang paggawa? Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News