Sa bonggang mga dekorasyon at ganda ng mga ilaw na may chandelier pa, iisipin na sa hotel, function hall o event place ginanap ang reception ng isang kasal sa Garchitorena, Camarines Sur. Pero ang totoo, ginawa lang ito sa kalsada na may 20 metro ang sakop.

Sa ulat ni Jessica Calinog ng Balitang Bicolandia sa GMA Regional TV News, sinabing noong Oktubre 7 ginanap ang kasal nina Analyn at Neron Cepeda.

At ang magandang reception, ginawa sa kalsada na nasa tapat ng bahay nina Analyn sa Barangay Pambuhan, na nilagyan ng tent.

Paglilinaw naman ng bagong kasal, nagpaalam sila sa kanilang punong barangay, pati na rin sa kanilang mga kapitbahay, at mga namamasadang tricycle driver na dumadaan sa lugar.

Dahil minsan lang naman mangyari, naging maunawain naman ang barangay at mga tao na pumayag sa kanilang pakiusap.

Ayon kay Loremar Alarte, organizer ng wedding at nasa likod ng bonggang venue ng reception, tatlong araw ang ginugol nila para ma-transform ang kalsada.

Limitado pa ang oras sa kanilang paggawa dahil may mga dumadaan pa sa kalsada. Ang mga final touch sa venue, ginawa lang nila sa mismong araw ng kasal.

Sa kabila ng lahat, success at naging elegante ang reception kahit sa kalsada lang na dinaluhan ng mga kanilang mga kapitbahay.-- FRJ, GMA Integrated News