Sa gitna ng pagdadalamhati, nagdamayan sina Janna Dominguez at Iwa Moto kasunod ng pagpanaw ng kapuwa nila itinuturing na "panganay na anak" na si Yzabel Ablan.

Sa Facebook account ni Janna, makikita ang dalawang larawan na kasama niya si Iwa sa burol ni Yzabel.

Naka-tag si Mickey Ablan at si Iwa sa post, na may caption na "God Above All [heart emoji] We Love you Yzabel Ablan [prayer emoji].

BASAHIN: Anak ng aktres na si Janna Dominguez na si Yzabel, pumanaw na

Si Yzabel ay anak ni Mickey sa dati nitong karelasyon.

Naging dating karelasyon din ni Mickey si Iwa, habang si Janna naman ang kasalukuyang partner ni Mickey.

Nitong Miyerkules lang, inihayag ni Janna, na isinilang niya ang bunso nilang anak ni Mickey na si Leon, sa kaparehong araw nang pumanaw si Yzabel, 20-anyos.

Sa nakaraang Instagram post ni Iwa, inihayag niya ang matinding kalungkutan sa pagpanaw ni Yzabel, na itinuturing niyang panganay na anak.

BASAHIN: Iwa Moto, nagluluksa rin sa pagpanaw ni Yzabel Ablan na anak nina Janna at Mickey

"Yzabel is my 1st born daughter. And yes hindi ako ang biological mom nya. I was her stepmom for a couple of years. Pero i know in my heart na mahal na mahal ko sya kahit di ako ang nag luwal sakanya sa mundong to. Sya ang 1st ko sa madaming bagay," paliwanag ni Iwa sa mga nagtatanong.

"My little butterfly. Thank you. Still can’t find words to say other than I love you so much and I will miss you. See you in my dreams my little warrior.. watch over us anak. Mommy loves you so much," saad pa ng aktres.

Sinabi ni Janna sa isang post din sa Instagram na namatay si Yza dahil sa “heart failure” at “lung infection.”

Sa kanyang eulogy para sa anak na mapapanood ang video sa FB page ni Janna, humingi siya ng tawad kay Yzabel dahil wala sila ni Mickey sa tabi nito sa kaniyang huling sandali dahil sa kaniyang panganganak.

READ: Janna Dominguez, isinilang ang kaniyang baby boy sa araw na pumanaw ang anak na si Yzabel Ablan

“Isa lang sa mga regret namin na nung nangyari 'yon wala kami sa tabi niya,” malungkot na pahayag ni Janna. “Doon ako nagso-sorry sa kaniya."

Gaya ni Iwa, inihayag ni Janna na kahit hindi siya ang nagluwal kay Yzabel, siya pa rin panganay niyang anak, na nagturo sa kaniya kung paano maging isang ina.

“Lagi kong sinasabi sa lahat and very proud ako to say na si Yza ang first born child ko. Kahit hindi siya nanggaling sa sinapupunan ko, lagi ko sinasabi and ina-affirm siya na, 'Ikaw ang anak ko. Ikaw ang una kong panganay,'" ayon sa Pepito Manaloto star.

"Kasi, siya 'yung nagturo sa akin kung paano maging nanay,” patuloy ni Janna.

Ayon kay Janna, mabait na anak si Yzabel na kahit kailan ay hindi niya napalo dahil masunurin.

“Alam niya na hindi ako perfect mom. Lagi ko sinasabi sa kaniya 'yun na, 'Anak, hindi ako perfect mommy na hinahanap mo, pero I will do my best para maging mabuting nanay sa 'yo, sa mga kapatid mo," pagbabalik-alaala ni Janna.

Sa pagtatapos ng kaniyang eulogy, sinabihan niya ng “I love you baby" si Yzabel. --FRJ, GMA Integrated News