Habang nagpapahinga sa sala, biglang nakaramdam ng pamamanhid ng kaliwang braso at panga ng vlogger na si Ciara Magallanes. Hindi niya naiwasang mangamba dahil pumasok sa kaniyang isipan na baka inaatake na siya ng stroke.
Sa programang "Pinoy MD," makikita sa kuha ng CCTV camera sa loob ng bahay na hirap si Ciara na maiangat ang kaliwa niyang braso. May nararamdaman na rin siyang panginginig ng kaniyang likod, at may nararamdaman na rin siya sa kaniyang panga.
Habang pinapakiramdaman ni Cia ang sarili, tumayo naman ang kaniyang mister na si Ramon, at ini-start na ang sasakyan. Pagkaraan nito ay binalikan ang kaniyang asawa na kinuhanan niya ng blood pressure.
Nang inakala niyang bumubuti na ang kaniyang pakiramdam, lalo pa raw tumindi ang pamamanhid sa kaliwang braso ni Ciara.
Dito naalala niya ang nakuha niyang impormasyon na maaaaring nakararanas ng stroke ang isang tao kapag wala siyang maramdaman o namamanhid ang left side ng katawan.
Dahil minsan nang na-stoke ang tiyuhin noon ni Ramon, minasahe niya ang braso ni Cia. Sinuri din niya ang mukha nito at pinataas ang kamay para malaman kung stroke nga ang nararanasan ng kaniyang asawa.
Ayon sa Pinoy MD, ang stroke o brain attack ay nangyayari kapag nagkaroon ng pagbara ng dugo sa utak. Ilan sa sintomas nito ay pamamanhid ng braso, hita o kalahati ng mukha, hindi makapagsalita nang maayos, paglabo ng paningin, hirap sa balanse, at pananakit ng ulo.
Ngunit hindi naman lahat ng nakararamdam ng naturang sintomas ay stroke.
Ipinakita ni Jaylord Abrigado, safety sarvices manager, Philippine Red Cross, ang FAST test para malaman kung na-stroke ang isang tao.
F o face drooping o kung may paglaylay sa bahagi ng mukha ng pasyente; A o arms weakness o pamamanhid o kung hindi niya magalaw o maiangat ang braso; S o speech difficulties o kung hirap na magsalita ang pasyente; at T o Time to Call kapag nakita ang naturang mga sintomas.
Sa kabutihang palad, matapos masuri, lumitaw na hindi stroke ang naranasan ni Ciara. Pero ano nga ba ang nangyari o dahilan para mamanhid ang braso ni Ciara at makaramdam ng hindi maganda maging sa kanilang likod at panga?
Alamin ang sagot sa video na ito ng "Pinoy MD." --FRJ, GMA Integrated News