Sinubukan ng Kapuso TV host-actress na si Pokwang kung ano ang puwede niyang mabili sa halagang P1,000 para mailuto. Hanggang ilan araw kaya aabot ang pagkain?

Sa kaniyang Instragram account, nag-post si Pokwan ng video ng kaniyang mga napamili sa palengke sa Bataan sa halagang P1,000.

"Mga ulam na kinalakihan ko at till now paborito kong ulam. tingnan natin ilang ulam ang mabibili ko sa 1K peso challenge," saad ni Pokwang sa caption ng kaniyang post.

Ayon kay Pokwang na kilalang mahilig magluto, "Hindi ko po alam kung ilang araw tatagal ito pero ito po ang mga nabili ko sa P1,000."

Kabilang sa kaniyang mga nabili ay apat na sardinas, kalahating kilong galunggong, tig-1/4 kilo ng kamatis at sibuyas, tig-dalawang tali ng kangkong, talbos ng kamote, at ampalaya, dalawang pirasong, anim na pirasong itlog, limang kilo ng bigas, at mantika na naka-plastik.

Hindi binanggit ni Pokwang kung ano ang mga ginawa niyang luto sa kaniyang mga napamili. Pero abangan daw ito sa kaniyang Youtube channel na Mamang & Malia.

READ: Pokwang, gumawa ng bagong YT account na 'Mamang & Malia'

 

 

Napansin din ng kaniyang mga follower na naka-plastic lang ang mantika na kaniyang binili.

"Masa yan ang dapat madama yung paano mamili sa masa yung pano nila pinagkakasya, galing ako sa ganyang buhay," pahayag niya.

May follower din si Pokwang na nagtanong kung kasya ang kaniyang pinamili para sa isang buong linggo.

Ayon sa aktres, umabot lang ng pang-dalawang araw ang kaniyang nabili.

"Napagkasya ko ng two days binase ko ng lima sa pamilya," paliwanag niya. -- FRJ, GMA Integrated News