Maraming netizens ang naantig ang damdamin nang mag-viral ang video ng ginawang pagtulong ng magkasintahan sa isang bata na barya ang pambayad sa biniling school supplies at kulang ang kaniyang pera.
Sa ulat ng GMA News Saksi nitong Biyernes, makikita sa video ng magkasintahan na sina Ian Kenneth Reyes at Aaron Joseph Reckley, na nasa pila sila at nasa unahan nila ang 11-taong-gulang na si Nino.
Habang nasa pili para bayaran ang pinamili niyang school supplies, binibilang ni Nino ang kaniyang hawak na barya na pambayad.
Pero dahil kulang ang pera, sinagot na nina Ian at Aaron ang pambayad at sinabi nila kay Nino na itabi na lang ang barya para may pambaon siya.
Batid daw nina Ian ang ang hirap ng buhay at nakita nila na mas maraming one peso coin na hawak si Nino kaysa tig-P5 barya.
Nang i-upload nila ang video, inabot ng milyon-milyon ang views. Pero paglilinaw ni Ian, wala silang kinita sa mga ito.
Ini-upload daw nila ang video para magbigay ng inspirasyon sa iba sa pagtulong.
Maraming netizens ang nagbigay ng pera para maipandagdag sa pamimili ng gamit ni Nino na hinanap pa muli ni Ian.
Pati ang mga pinsan ni Nino, nakabili rin ng mga gamit.
May nagpadala rin ng tablet, cellphone, mga damit at iba pang gamit para kay Nino.
Napag-alaman na maagang naulila si Nino at ang pamilya ng kaniyang tiyahin ang kumupkop sa kaniya.
"iniraraos lang din po namin, gumagawa lang po talaga kami ng paraan para makapag-aral siya," sabi ng tiyahin na si May Valerio. "Makapagtapos lang po siya ng pag-aaral... masaya na po kami doon."
Nagpapasalamat sila sa lahat ng nagbigay ng tulong para kay Nino, na sinabing pangarap niyang maging pulis para makapaglingkod sa bayan.
Pangako naman ni Nino, mag-aaral siyang mabuti. -- FRJ, GMA Integrated News