Pagkaraan ng mga bagyo at hagupit ng Habagat, muling naranasan ang malawakang pagbaha sa ilang bayan sa Bulacan. Ano nga ba ang “land subsidence” o pagbaba ng lupa na pinaniniwalaang isa sa mga dahilan ng madaliang pagbaha sa probinsya?

Sa ulat ni Jun Veneracion para sa “Reporter’s Notebook,” makikita ang hanggang dibdib na tubig-baha sa isang video sa Hagonoy, Bulacan.

Sa Calumpit naman, maraming bahay din ang nalubog sa baha, at may mga sasakyan na hindi na naialis sa lugar dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig.

Ang isang residential area sa Calumpit, nagmukhang dagat dahil sa baha sa drone footage. Katunayan sa Barangay Gugo na isa sa mga pinakalubog na barangay sa Calumpit, kinain ng tubig ang main road kaya bangka na ang gamit sa pagbiyahe.

Ang mga residente na may second floor ang bahay, nagpasyang hindi na lang lumikas sa mga evacuation center.

“May second floor naman po, wala naman kaming evacuation. Kahit medyo sardinas na lang sa pagtulog, napagtiyagaan na rin po,” sabi ni Cecilia Dela Cruz.

Ang bahay ni Dela Cruz, 50-anyos, babad pa rin sa tubig at nagiging isang hamon sa araw-araw na paggising nila sa umaga para makapagluto.

Minsan na rin daw silang nalubog sa baha noong 2009 nang manalasa ang Bagyong Ondoy.

Dahil binabaha pa rin, nagkasugat na rin ng sugat sa paa ang mga kasama niya sa bahay.

Samantala, lumikas naman ang ilang mga taga- Barangay Gugo, ngunit lubog din sa baha ang unang palapag ng evacuation center na kanilang tinutuluyan.

Sa Hagonoy naman, hanggang dibdib ang baha na pumasok sa bahay nina Hendrix Gomez.

Bukod sa dami ng ulan na ibinubuhos ng bagyo at Habagat, isa pang itinuturong dahilan sa paglubog sa bahay ng ilang bayan sa Bulacan ang mismong pagbaba umano ng lupa o land subsidence.

Base sa University of the Philippines - National Institute of Geological Sciences, isa itong natural na proseso o phenomenon kung saan kumpara sa milimetro na natural na ibinababa ng lupa kada taon sa Metro Manila at mga karating probinsya, nasa dalawa hanggang tatlong sentimetro kada taon ang pagbaba ng lupa.

Isa ang probinsya ng Bulacan sa mga nakitaan ng mabilis na pagbaba ng lupa, bukod pa sa pagtaas ng lebel ng tubig-dagat o sea level rise na nagaganap sa buong mundo.

Ano nga ba ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan sa problema ng bansa sa baha? Tunghayan ang buong report sa video ng "Reporter’s Notebook."--FRJ, GMA Integrated News