Nabulilyaso ang tangkang pagnanakaw ng isang lalaki sa isang sako ng bigas mula sa isang truck na nakatigil dahil sa trapiko nang biglang umandar ang sasakyan sa Cebu City.

Sa ulat ng Regional TV Balitang Bisdak sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, makikita sa video na nasa itaas ng nakatigil na truck na naipit sa trapiko ang naturang lalaki.

Nang maiangat niya ang isang sako ng bigas, ihuhulog na sana niya ito sa kalye nang biglang umusad ang sasakyan at nawalan ng balanse ang lalaki.

Sabay tuloy silang nahulog ng bigas sa kalsada.

Iika-ikang tumayo ang lalaki habang hawak ang kaniyang siko na naglakad palayo. Hindi na niya tinangay ang nalaglag na bigas.

Nakita naman ng mga nakasakay sa truck ang bigas na nalaglag kaya nabawi nila ito.

Ayon kay Cebu City Police Office Station 3 Chief Police Major Efren Diaz, natukoy na nila ang pagkakakilanlan ng lalaki.

Naghihintay na lang umano sila ng magrereklamo laban sa lalaki para masampahan ng kaukulang kaso.— FRJ, GMA Integrated News