Napurnada ang planong pagluluto ng mainit na sinabawang isda ng isang babae sa Bacolod City dahil sa kakaibang ngipin ng nabili nilang isda na parang ngipin ng tao.
Sa ulat ni Adrian Prieto ng GMA Regional TV One Western Visayas, sinabi ng chef na si Christina Cusi, na bagaman sanay na siya sa ilang klase ng isda, hindi niya inasahan isdang may ngipin ng parang tao.
Nabili daw niya kamakailan ang isda sa Bacolod Central Market. Pero habang nililinis niya ito, nagulat siya nang makita ang ngipin ng kaniyang nabili.
Una raw niyang inakala na may nakagat na pustiso lang ang isda. Pero nang suriin niya, ngipin talaga iyon ng isda.
Nabili niya ang isda sa halagang P200 na hindi na niya niluto dahil na rin sa mga komento na nabasa niya nang i-post niya sa social media ang larawan ng ngipin ng isda.
Pero ayon sa marine biology expert na si Mark de la Paz, dapat itinabi ni Cusi ang ngipin ng isda para masuri.
Maganda umanong specimen ang ngipin para mapag-aralan kung bagong uri ito ng isda.
Batay sa ilang eksperto, hindi naman kakaiba ang isda na may ngipin na parang sa tao. Ang mga ganitong isda na "sheepshead" fish o convict fish ay uri ng isda na omnivores o kumakain ng halaman at karne ng kanilang kauri.
Ang mga sheepshead fish (o Archosargus probatocephalus) ay karaniwan sa eastern coastline ng North America at South America. --FRJ, GMA Integrated News