Inihayag ni Herlene Budol ang kaniyang pasasalamat kay Wilbert Tolentino, at kinumpirma niyang nagbitiw ito bilang manager niya.

"May mga bagay lang po na dapat mas unahin at i-priority talaga — ang kaniyang health at ang kaniyang family," saad ni Herlene sa kaniyang latest YouTube vlog.

Paglilinaw ni Herlene, nagbitiw man bilang kaniyang manager si Wilbert, patuloy pa rin siya nitong tutulungan.

"Base pa rin po sa pag-uusap namin, willing pa rin po niya akong tulungan at nandiyan pa rin naman po siya anytime, anywhere, one call away…" saad ni Herlene.

Sa kaniyang vlog, sinulit ni Herlene ang pagkakataon para makapagpasalamat kay Wilbert sa mga nagawa nitong tulong para sa kaniya.

"Lahat po ng nakikita niyo sa akin, head to foot, bahay at lupa, crown, YouTube channel, cellphone, alahas at [endorsements], lahat ng ‘yan, si Sir Wilbert Tolentino ho ang nagbigay sa akin," saad niya.

"Kaya ito na po ang chance ko para magpasalamat ako sa inyo. I love so much, Mima. Kulang ang salitang salamat sa lahat ng effort, oras, at pagmamahal na binigay niyo sa akin,” madamdaming mensahe ni Herlene.

"Walang hanggang pasasalamat at walang hanggang pagmamahal ang kaya kong ibalik. Utang na loob ko lahat ng meron ho ako. I love you. Never say goodbye," patuloy niya.

Sa mismo ring video, maluha-luhang inanunsyo ni Herlene na ang Miss Grand Philippines na ang huli niyang sasalihan na pageant.

Sa kaniyang Facebook post, inihayag ni Wilbert na epektibo ang pagbibitiw niya bilang manager ni Herlene simula sa katapusan ng Hulyo, matapos ang mahigit isang taon nilang samahan.

Mahirap man ang kaniyang naging desisyon, sinabi ni Wilbert na kailangan niya itong gawin para matutukan ang kaniyang kalusugan at magkaroon ng oras sa kaniyang anak. -- FRJ, GMA Integrated News