Kung inabangan at trending ang ginanap na GMA Gala 2023 nitong weekend, ganoon din ang behind-the-scenes ng paghahanda ng Kapuso stars sa mga detalye ng mga nagningning nilang outfit sa event.

Sa Chika Minute ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Lunes, mapapanood sa video ng Nice Print Photography na tila dalawang strangers na unang magkikita nina Dingdong Dantes at Marian Rivera.

Nang magkabanggaan, lumabas ang maraming memories ng kanilang pinagsamahan.

Lumitaw ang ethereal look ni Marian, habang suwabe naman si Dingdong.

Mala-James Bond naman ang dating ni Alden Richards sa video ng Chapters PH nang dumating siya sakay ang isang pulang sports car, hanggang sa maglakad na siya sa red carpet.

Ibinahagi naman ni Heart Evangelista ang limang buwang paghahanda sa kaniyang Haute Couture gown.

Stunning ang detalye ng outfit ni Heart, mula sa paghahanda mula sa Paris hanggang sa pagdating sa Kapuso red carpet.

Ikinuwento naman ni Bea Alonzo kung gaano siya kasaya at kung gaano kahalaga ang engagement ring na natanggap niya nang mag-propose sa kaniya si Dominic Roque sa video ng paghahanda niya sa gala.

Sa isang video ng Nice Print Photography, young and sophisticated naman si Barbie Forteza habang itinatampok ang detalye ng kaniyang get-up.

Mas lalo pang lumutang ang kaniyang kagandahan suot ang kaniyang mint ball gown. Kaya naman “best dressed” siya para kay Joshua Garcia.

Si Mikael Daez naman, anim na oras naghintay para maging handa ang asawang si Megan Young.

Elegant at stylish si Megan sa kaniyang metallic tiered dress.

Lumitaw din ang pagiging glowing ni Julie Anne San Jose sa kaniyang glimmering silhouette gown sa video ng Chapters PH.

Dramatic ang isang maikling video nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo na mula sa Studio King.

Pink, all-grown up at ready to slay naman si Sofia Pablo sa isang video ng Nice Print Photography. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News