May importante umanong mensahe ang Kapuso comedian na si Tekla na makikita sa teaser ng kanilang programa ni Boobay na nagpapaalam dahil umano sa kaniyang karamdaman.

"Lahat tayo tumatanda, nagkakaedad so ingatan po ninyo yung kalusugan ninyo. Kasi na findings sa akin ng duktor ko na hindi ako puwedeng mapagod at masobrang ano... magbabad, so kailangan kong magpahinga," saad ni Tekla.

Masakit man daw sa kaniyang kalooban, kailangan daw niyang magpaalam sa "The Boobay and Tekla Show" na napapanood tuwing Linggo ng gabi.

"Masakit, sobrang masakit kasi ito lang yung show ko, wala akong ibang ginawang show, ito lang. Ito lang, lahat ng buhay ko binigay ko, buong time, lahat," sabi pa ni Tekla.

Habang nasasalita si Tekla, tahimik naman na nakikinig sina Kokoy de Santos, Angel Guardian, at habang emosyonal din si Boobay.

Humingi si Tekla ng paumanhin at sinabing nagpaalam na umano siya sa management. Ayon kay Tekla, ayaw niyang masakripisyo ang kaniyang kalusugan dahil bata pa ang anak niyang si Angelo na mayroon ding karamdaman.

"Guys, mga Kapuso mami-miss ko 'tong show na ito pero kailangan kong magpagaling. Nag-file na ako sa management na yon po ang ano ng duktor sa akin. So sorry Boobay, guys sorry, direk," patuloy ni Tekla.

Inihayag naman ni Boobay na nauunawaan niya si Tekla dahil pinagdaanan din niya ang pinagdadaanan ngayon ng co-host at kaibigan.

Isang buwan din na nawala si Boobay sa "TBATS" upang makapagpahinga matapos makaranas ng silent seizure nang mag-guest sa "Fast Talk with Boy Abunda."

"Kahit anong mangyari pinapangako ko 'pag ok na lahat nandito pa rin kami. Parang yung ginawa niyo sa akin," ani Boobay.

Hindi binanggit sa video kung ano ang sinasabing karamdaman ni Tekla pero malalaman umano ang buong detalye sa episode ng "TBATS" sa darating na Linggo, pagkatapos ng "Kapuso Mo, Jessica Soho." --FRJ, GMA Integrated News