Nagsalita na ang president at CEO ng TAPE Inc. na si Jon Jalosjos kaugnay sa pagkalas sa kanila nina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey De Leon, at iba pang host ng "Eat Bulaga," sa ulat ng PEP.ph.

Sa ekskusibong panayam ng PEP.ph nitong Lunes, sinabi ni Jalosjos na hindi siya nagsalita noon bilang respeto sa isinasagawa nilang negosasyon sa TVJ.

Malaki umano ang respeto niya sa TVJ na itinuring niyang pamilya.

Nanghihinayang din umano siya dahil sa target nilang "50 years or beyond," na patungkol sa tagal ng Eat Bulaga na 44 taon na ngayong umeere sa telebisyon.

Naniniwala umano si Jalosjos na planado at hindi biglaan ang nangyari noong Mayo 31, 2023, nang ianunsyo nina Tito, Vic at Joey ang pagkalas nila sa TAPE Inc.

Ayon sa panayam, sinabi ni Jalosjos na siya ang nag-utos na huwag nang mag-live ang EB noong Mayo 31, dahil naramdaman nila na may kakaibang mangyayari.

Nanguna umano si Jajoslos sa pakikipagnegosasyon kina Tito, Vic, at Joey kaugnay sa mga planong pagbabago na nais sana nilang gawin sa Eat Bulaga!.

Giit niya, pumayag sila sa mga gusto ng TVJ habang isinasagawa ang negosyon pero hindi umano 100 percent . “We tried. I tried to meet in the middle to the point that everybody agreed already. We agreed to their wants, but not 100 percent of course. That’s the point of negotiating. But 90 to 95 percent, we agreed already."

Nanghihinayang umano si Jalojos na nauwi sa wala ang kanilang mga isinagawang pag-uusap.

May nakatakda pa raw sanang pagpupulong ang TAPE at ang TVJ sa darating na June 10, kaugnay sa mga pagbabagong ipapatupad sa Eat Bulaga!

Ani Jalosjos, sana ay sa gagawing pulong na lang inihayag ng TVJ kung ano man ang nais sana nilang sabihin.

Nilinaw din niya na 21 percent lang umano ng production team ang umalis sa Eat Bulaga.

Nitong Lunes, Hunyo 5, 2023, muling nag-live ang Eat Bulaga sa GMA na may mga bagong host kabilang sina Paolo Contis, Betong Sumaya, at Buboy Villar. -- for full story, visit PEP.ph