Sa kabila ng kaniyang edad na 84, at bulag na ang dalawang mata, walang magawa ang isang lola na nakatira sa bundok ng Sagnay, Camarines Sur, kung hindi ang bumaba ng kapatagan na inaabot ng apat na oras ang paglalakbay para makakuha ng ayudang pensyon para sa mga katulad niyang mahihirap na senior citizen. Ang halaga, P3,000 na kailangan niyang pagkasyahin sa loob ng anim na buwan, o katumbas ng P500 sa isang buwan.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala si lola Ines delos Santos, na tanging ang dalawa niyang kapatid na lang umaalalay sa kaniya sa kabundukan.
Mayroong tatlong anak si Lola Ines pero hindi na niya nakikita ang mga ito mula nang magkaroon na rin ng kani-kanilang pamilya. Ang kaniya namang asawa, nagpaalam noon na bababa sa kapatagan pero hindi na bumalik at hindi na rin niya malaman kung ano ang sinapit.
Dahil mahirap ang kanilang buhay sa bundok at sa simpleng kubo lang nakatira, tinitiis ni Lola Ines ang maglakbay ng apat na oras pababa ng bundok, at apat na oras paakyat kapag uuwi na sa sandaling makuha na niya ang pensyon sa munisipyo na tinatawag na social pension program ng Department of Social Welfare Development (DSWD).
Kasama ang kapatid na si Adelina, 62-anyos, na nagsisilbi niyang mata, nakatapak na bababa ng bundok si Lola Ines. Hindi siya nagsusuot ng tsenelas dahil sa peligro na maaari siyang madulas lalo na kung maputik ang daan.
May bahagi rin ng daan na mabato at gilid ng bundok na maaaring mahulog at mapahamak si Lola Ines kapag nagkamali siya ng hakbang.
"Ayaw naman naming magutom. Pinagtitiyagaan namin ang maglakad para makakuha ng pang araw araw namin," sabi ni Lola Ines.
Ang ayudang pensyon na nakukuha ni Lola Ines, kung minsan daw ay P1,500, at kung minsan ay P3,000.
Ayon kay Nancy Celestrial, pinuno ng Office of the Senior Citizens Affairs-Sagnay, may kabuuang P6,000 ang pensyon para sa isang taon. Katumbas ito ng P500 bawat buwan.
Nang minsang bumaba si Lola Ines ng bundok para kumuha ng pensyon, nakita siya ng mag-asawang vlogger na sina Rom at Lailani Rebuya.
Hindi nila napigilan na maantig ang damdamin sa sakripisyo ni Lola Ines, na napipilitang bumaba ng bundok sa kabila ng kaniyang edad at pagiging bulag upang makakuha lang ng pensyon.
Napag-alaman na kung minsan, nauuwi sa wala ang pagod ni Lola Ines kapag naantala ang pagdating ng pensyon.
Nang araw na bumaba ng bundok si Lola Ines, kinailangan nilang makitulog muna sa isang kamag-anak upang kinabukasan na lang pumunta sa munisipyo.
Dahil na rin sa kapansanan ni Lola Ines, nabigyan siya ng prayoridad sa pila sa munisipyo. Kaya naman nakuha niya agad ang P3,000 pensiyon pagkaraan ng isang oras na paghihintay.
Ayon kay Lola Ines, gagamitin niya ang pera para ibili ng bigas, pagkain, at gaas bilang ilaw sa bundok.
Sinabi ni Celestrial, na inihahatid nila ang pensyon ng mga nasa liblib na lugar at walang puwedeng kinatawan para kunin ang pensyon.
Ngunit ayon kay Lola Ines, may impormasyon na hindi nakakarating sa senior citizen ang pensyon kapag ipinagkatiwala o ipakuha sa iba.
Kaya kahit nahihirapan, pinipilit ni Lola Ines na siya na mismo ang kukuha ng pensyon.
Gayunman, sinabi ni Celstrial na wala silang natatanggap na sumbong tungkol sa kinatawan na hindi ibinigay sa kinauukulan ang tinanggap na pensyon.
Nang araw na makuha ni Lola Ines ang pensyon, muli siyang maglalakbay ng apat na oras paakyat ng bundok, pauwi sa kaniyang kubo.
Pero ang kalbaryo ni Lola Ines, posibleng matapos na dahil sa magandang balitang dala sa kaniya ng mag-asawang vlogger na sina Rom at Lailani Rebuya.
May handang magkaloob umano ng lote kay Lola Ines sa kapatagan, at kailangan na lang pagtulungan na makapagpagawa ng bahay para sa kanila.
Umakyat din ng bundok ang ilang tauhan ng lokal na pamahalaan at may hatid din na tulong kay Lola Ines. Tunghayan sa video ng "KMJS" ang buo niyang kuwento. --FRJ, GMA Integrated News