Nagpaalala ang aktor na si Joross Gambao sa mga nakakapanood ng mga "mabubuting" ginagawa bilang "content" ng mga vlogger ay totoo o tunay na malinis ang intensyon. Aniya, ang iba, scripted ang content sa ipinapakitang pagtulong para lang makakuha ng maraming "views."
“‘Yung mga nagpapakita ng mga kabutihan sa internet hindi ako naniniwala roon eh. Pero ‘yung talagang totoong nangyari, ‘yung hindi nakikita, kumbaga ‘yon ‘yung walang kapalit. ‘Yung kabutihan na walang kapalit ‘yon ‘yung tunay,” sabi ni Joross sa online talk show na “Just In,” na host si Paolo Contis.
“‘Yung iba gumagawa lang ng kabutihan, may kapalit, views,” pagpapatuloy niya.
Sinabi naman ni Paolo na may mga totoo naman na sadyang gustong tumulong.
“Hindi lahat, pero maraming gumagawa ng kabutihan pero hindi mo alam kung ano ‘yung motibo,” ani Paolo.
Naniniwala naman si Joross na may iba ring content creator na totoo ang paggawa ng kabutihan.
“‘Yung iba kasi, totoo naman, for inspiration. Gumawa ka, para ma-inspire ‘yung ibang tao na tumulong. Pero hindi natin puwedeng paniwalaan lahat,” saad ng aktor.
Ngunit ang iba, nalaman niyang set-up lang pala ang ginagawa para palabasin na gumagawa ng kabutihan at makita ng netizens.
“Ultimo nga nauuso ‘yung sumasagip ng mga tuta. Sini-set lang pala nila ‘yon. Halimbawa ‘yung ilulubog sa putikan tapos kunwari dadating, ililigtas, huhugasan. Maraming ganoon,” saad ni Joross.
“Kaya huwag kayong maniwala sa lahat ng napapanood ninyo,” paalala niya.
Makakasama si Joross sa upcoming Kapuso series na “The Missing Husband.” --FRJ, GMA Integrated News