Sa kabila ng pagiging healthy at active ang lifestyle, nakaranas pa rin ng heart attack ang aktor na si Gardo Versoza. Bakit nga ba ito nangyari at papaano ito maiiwasan?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ibinahagi ng aktor kay Jessica Soho ang nangyari sa kaniya na kung hindi raw naagapan ay posibleng ikinamatay niya.
Ilang linggo bago isugod sa ospital, sinabi ni Gardo na nakaramdam siya ng pananakit sa likod matapos ang mahabang biyahe sa bisikleta.
"Siguro mga two or three weeks after, nagkaroon nung sudden pain sa upper back," aniya. "Unbearable 'yung pain. Akala ko, pagod or kaya ngawit lang."
Nang hindi na matiis ang sakit, pumunta na si Gardo sa ospital at ipinasailalim siya sa ECG at Chest X-Ray.
"Nakita sa ECG medyo erratic 'yung heartbeat. Feeling ko, mukhang medyo mabigat 'tong kinakaharap ko," saad niya.
"Na-confirm nila na dalawang arteries 'yung barado. ‘Yung pinaka-main avenue ng heart na blood vessel niya, 'yun 'yung 100% na-block," patuloy ni Gardo.
Kahit papaano, sinabi umano ng duktor kay Gardo na nakatulong ang active at healthy lifestyle niya para hindi kaagad naging matindi ang kaniyang atake sa puso.
"Actually sinabi nu’ng doktor na, 'Kung hindi ganyan ang lifestyle mo, malamang dire-diretso ka na pagka-atake,'" ani Gardo.
Gayunman, sinabi rin sa kaniya ng duktor na hindi rin maganda ang sobrang layo ng kaniyang nilalakbay gamit ang bisikleta na umaabot ng 100 km ahanggang 200 km.
"Sabi niya, for my age, 'Pinu-push mo na masyado 'yung puso mo,'" sabi ni Gardo. "Totoo rin nga 'yung kasabihan na, 'di ba, lahat ng sobra, masama."
Nitong nakaraang buwan, sumailalim sa angioplasty si Gardo. Pero kailangan niya muling sumalang sa naturang heart procedure para alisin ang isa pang bara sa ugat niya.
Inaasahang gagawin ngayong buwan ang ikalawang proseso sa kaniyang puso. Bilang paghahanda, ibinebenta ni Gardo ang kaniyang gym equipment para idagdag sa pondo, hindi sa kaniyang operasyon kundi maging sa charity.
"Hindi ko naman puwedeng iasa lahat doon sa work ko. So kailangan kong maghanap nung ibang means para di ba in a way, makatulong din ako dun sa iba," paliwanag niya.
"Feeling ko makakatulong ako dun sa mga gustong-gusto talagang mag-workout na di ba parang kung bibili sila sa iba mas mapapamahal," paliwanag niya. "Bukod dun, binawalan din ako ng doktor na magbuhat ng masyadong mabigat."
Aminado rin si Gardo na nasaktan siya sa kumalat na maling balita sa social media na pumanaw siya.
"Masakit sa akin para sa pamilya ko. Kasi hindi ka pa patay pinatay ka na nila," sabi ni Gardo na inalala kung ano ang iisipin at epekto sa anak kung mababasa ang maling impormasyon ng iba para lang magkaroon ng content sa social media.
"Kung hindi siya nanggaling sa sinaryong galing ka sa atake, puwede mong palipasin. Pero ito fresh pa. Galing ka sa critical stage, na-ICU ka, tapos dalawa yung ugat na barado, parang isang paa mo nasa hukay na," paliwanag niya.
Sintomas
Ayon kay Dr. Regidor Encabo, certified Cardiologist, ang karaniwang sintomas ng cardiovascular disease ay pananakit ng dibdib.
"Makirot, masakit, umaakyat sa panga, umaakyat sa balikat o nasa mga braso. Kasabay nun, nagpapawis nang malamig 'yung pasyente," paglalarawan ni Dr. Encabo.
Payo niya sa mga edad 40 pataas, lalaki man o babae, subaybayan ang kanilang kalusugan, lalo na ang cholesterol level.
"Alamin din kung ang sugar mo ay tumataas. Sila kasi 'yung mga risk factor," paliwanag ng duktor.
"Smoking talagang directly related ‘yan sa pagkakaroon ng sakit sa puso. At saka 'yung family history," dagdag niya.—FRJ, GMA Integrated News