Sa kaniyang murang edad, matinding pagsubok na sa buhay ang hinaharap ng 12-anyos na si Beng-beng Abado, na mula sa Urdaneta City, Pangasinan. Ang mga kirot na dulot ng kaniyang sakit sa balat, lalong nagpapapatag sa kaniyang pananampalataya.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita na normal naman ang hitsura nang isilang si Gail Louise Abado, o Beng-beng.
Pero pagkalipas lang ng ilang taon, napansin na nina Louie at Abigail, na tila may mga bungang araw na lumalabas sa balat ng kanilang anak. Hanggang sa manuyo na nga ang balat ni Beng-beng at nagkakasugat-sugat.
Ngayon, nanunuyo na ang buong balat ni Beng-beng mula ulo hanggang paa, namumula, at nagsusugat-sugat. Hindi na rin niya maipikit ang kaniyang mga mata, at nagsara na ang kaniyang mga tainga.
Ang mga daliri niya sa paa at kamay, bumaluktot. Hirap na rin siyang maglakad.
Sa tuwing pinapaliguan, umiiyak si Beng-beng dahil sa sakit tuwing nagagalaw ang kaniyang mga sugat sa balat.
"Tinitiis ko lang po ang lahat ng sakit na nararamdaman ko," saad ni Beng-beng. "Nagdarasal lang po ako kay Lord na sana huwag Niya na akong pahirapan."
Ayon kay Louie, napakasakit sa kaniya na madinig ang anak na umiiyak.
"Parang ako ang hindi makahinga. Kung puwede mo nga lang kunin yung sakit ng anak mo," sabi ng ama.
Si Abigail, hindi rin mapigil ang sarili na maiyak tuwing umiiyak ang anak kapag nililinis niya ang mga sugat ng bata.
Kailangang ding lagyan ng lotion ang balat ni Beng-beng para hindi manuyo at hindi magsugat-sugat.
Minsan na rin nalagay sa bingit ng kamatayan si Beng-beng. Pero nalampasan niya ang yugtong iyon upang patuloy na makapiling ang kaniyang pamilya.
Nagpalipat-lipat na ng espesyalista sina Louie at Abigail para malaman ang sakit ng kanilang anak, pero iisa lang ang sinasabi sa kanila ng mga duktor.
Mayroon pambihirang kondisyon sa balat si Beng-beng na kung tawagin ay Netherton Syndrome. Isa umano itong problema sa genes na namamana.
Ang sanhi nito, hindi kumakapal ang balat ng pasyente, walang buhok, walang kuko, at madaling kapitan ng impeksyon.
Sa ngayon, wala umanong lunas sa naturang karamdaman. Pero hindi nawawalan ng pag-asa ang mga magulang ni Beng-beng.
Malaking gastusin din ang gamot ni Beng-beng. Bagay na problema para kina Louie at Abigail dahil wala silang regular na hanapbuhay.
May maliit na tindahan si Abigail, habang tumulong naman sa pag-aalaga ng manok at pabo si Louie upang matustusan din ang pangangailangan ng tatlo pa nilang mga anak.
Kaya nagpapasalamat ang mag-asawa sa mga nagbibigay sa kanila ng tulong. Gaya nang may nagbigay sa kanila ng materyales na ginamit nila para ipagawa ng paliguan ni Beng-beng.
Napansin daw nila na gumiginhawa ang pakiramdam ng bata kapag nakababad siya sa tubig.
Hindi na rin nakakalabas ng bahay si Beng-beng dahil hindi niya kayang tiisin ang init dahil sumasakit ang kaniyang balat. Hindi na rin siya nakakapasok sa paaralan dahil nabu-bully umano ang bata.
Ang isa sa mga libangan ni Beng-beng, ang manood ng "KMJS." Nakaka-relate daw siya sa mga taong may karamdaman ang paksa na isinasama niya sa kaniyang dasal.
Dahil sa kaniyang paghanga sa programa at sa host na si Jessica Soho, gumawa ng tula si Beng-beng.
Ang hindi alam ni Beng-beng, bibisitahin siya mismo ni Jessica sa kanilang tahanan upang personal na madinig ang kaniyang tula.
Panoorin ang kanilang pagkikita at tunghayan ang nakaantig na kuwento ni Beng-beng na hangad na gumaling sa kaniyang karamdaman.
Sa mga nais tumulong kay Beng-beng, maaaring magdeposito sa:
MetroBank (Urdaneta), Louie Obado, account no. 204-3-204-77703-0; PNB (Urdaneta), Louie Obado, account no. 209010344986.
--FRJ, GMA Integrated News