Sa panayam ng "Updated with Nelson Canlas” podcast nitong Martes, tinanong si Tito Sotto, isa sa host at isa sa mga haligi ng "Eat Bulaga," kung saan hahantong ang kontrobersiyang kinakaharap ng longest running noontime sa bansa dahil na rin sa pagbabago ng liderato sa TAPE Inc., na producer ng programa.
Sa nasabing panayam, inihayag ni Tito ang kaniyang pagkadismaya sa kontrobersiyang nangyayari sa programa. Kabilang rito ang usapin tungkol sa mga plano umano na pagbabago na gagawin sa show at ang gusot sa pamunuan ng TAPE Inc.
“I am disappointed, at the very least. I am disappointed at what is happening,” pag-amin ni Tito, na ipinaliwanag kung sino talaga ang may-ari ng Eat Bulaga.
“If it is a copyright issue, definitely it is owned by Joey de Leon, the three of us. Siya ang nag-imbento ng pangalan eh. That is uncontestable. Copyrighted or not, may copyright sila ng merchandising ang TAPE Inc., meron din kaming mga naka-file... Ask the lawyers,” sabi ni Tito kay Nelson.
“If you are talking of Eat Bulaga, it’s owned by Tito, Vic and Joey. If you are asking about TAPE, TAPE is owned by them (korporasyon ng mga Jalosjos kung saan co-owner din si Tony Tuviera).”
Ayon kay Tito, nag-retire umano ng board si Tuviera.
Pinabulaanan ni Tito Sen ang sinabi ni Mayor Bullet na tahimik lang na pinangangasiwaan ng mga Jalosjos ang "Eat Bulaga."
Matapos magretiro ni Tuviera, sinabi ni Tito na naging aktibo ang mga Jalosjos sa pagkausap sa mga empleyado. Ngunit wala umanong presensya ang mga ito o nagpatawag ng meeting sa nakaraang mahigit 40 taon ng programa.
Paglilinaw ni Tito Sen, pag-aari ng mga Jalosjos ang 75 porsyento ng TAPE Inc., ngunit umalma siya sa pahayag ni Mayor Bullet na 20 porsyento lang ang pag-aari ni Tuviera sa TAPE Inc.
“I don’t think that’s accurate. Kasi itong registration nila ngayon as in 25% si Tony, at family nila ay 75%, bago lang ‘yan, iba noong araw ‘yan eh,” sabi ni Tito.
Ipinaliwanag din ni Tito na ang Production Specialists ang dating nangangasiwa sa Eat Bulaga.
“Noong nagdeklara na ‘yung Production Specialists na wala na at tinayo ‘yung TAPE, malaki ‘yung utang pa sa amin ng Production Specialists katulad ng utang nila sa labas. Pero may utang sa aming tatlo. Ang pinangako sa amin noong tinayo ‘yung TAPE, meron kaming share nu’ng tatlo. For 43 years, all of a sudden, we found out wala pala,” sabi ni Tito.
Dagdag ni Tito, umuutang pa dati si Tony kay Vic para lang matugunan ang mga bayarin sa show noon.
“Anong nangyari? They shutdown Production Specialists. Wala na ‘yon. In July 7, 1981, tinayo ‘yung TAPE Inc,” sambit ni Tito. “So from 1980 to 1981, ang puhunan ng ‘Eat Bulaga’, blood, sweat and tears naming tatlo [Tito, Vic, Joey] at ni Tony.”
Nag-premiere ang Eat Bulaga noong 1979 sa RPN-9.
“75-25 eh, mali pa nga ‘yung 20 percent. Twenty five percent,” sabi ni Tito na ibinigay na parte umano kay Tuviera sa korporasyon. Papaanong accurate ‘yung sinabi nitong huli na ika nga’y binigyan ng 20% si Tony? Hindi accurate ‘yon,” sabi ni Tito.
Dahil sa isyu ng Eat Bulaga, tinanong si Tito kung saan ito hahantong.
Dalawa naman ang nakikita ni Tito na maaaring mangyari sa kinakaharap na kontrobersiya ng Eat Bulaga.
“One, leave it as it is. Let sleeping dogs’ lie ika nga. It’s doing well, leave it alone," ayon sa dating Senate President.
Ang ikalawa, ayon kay Tito, "The other road is, hindi na tayo puwedeng magsama pagka-ganu’n."
Nang tanungin kung handa ba si Tito Sen na putulin ang ugnayan niya sa TAPE Inc, sagot niya, "If you’re talking of the corporation TAPE and Eat Bulaga, my answer would be, let’s cross the bridge when we get there."
Nakipag-ugnayan na ang Updated with Nelson Canlas kay Mayor Bullet Jalosjos at hinihintay ang kanilang panig hinggil sa isyu. -- FRJ, GMA Integrated News