Emosyonal na ibinahagi ni Gladys Reyes na natutunan niya ang unconditional love dahil sa kaniyang 41-anyos na kapatid na si PJ, na may special needs.
Sa Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga nitong Lunes, isa sa guest choices si Gladys tungkol sa mga may kapatid na may special needs.
Ayon kay Gladys, hindi itinatago ng kaniyang pamilya si PJ. Kung minsan, ito pa ang sumasalubong sa mga bisita sa kanilang bahay.
Palabiro rin si PJ na mahilig mag-isip kung sino ang kamukhang artista ng kanilang mga bisita. At kung isang artista naman ang bibisita, babanggitin nito ang lahat ng palabas na ginawa ng aktor o aktres.
“Para siyang archive namin actually. Kasi lahat ng guestings ko, lahat ng mga palabas ko nire-record niya,” sabi ni Gladys.
“Hanggang ngayon may VHS siya. Minsan may mga palabas siya, mahilig siya sa game show, nire-record niya tapos mamaya papanoorin niya,” dagdag ng aktres.
“Sasabihin niya sa ‘yo halimbawa ‘Guest ka, guest ka Eat Bulaga, Eat Bulaga.’ Paulit-ulit siyang magsalita,’” paglalahad ni Gladys tungkol sa kalagayan ng kapatid.
“With autism, physically wala kang mahahalata sa kaniya kasi normal lang talaga. ‘Pag nagsalita ‘yun lang, paulit-ulit, ‘Ate, ate!’ Siyempre kailangan ng pang-unawa, mahabang patience.”
Bukod dito, ayaw din ni PJ na tila tinatanggihan siya o hindi pinapansin.
“Halimbawa may ginagawa ka, may mga pagkakataon na ‘Oo Jay!’ Doon siya parang magta-tantrums. ‘Oo na, oo na’ ‘Hindi!’ Doon siya parang may temper,” kuwento ni Gladys.
Ayaw din umano ni PJ na nagugulo o maiiba ang pagkakaayos ng mga gamit o bagay sa loob ng bahay dahil nagkakaroon siya ng anxiety at magsisisigaw.
“Pero napakalambing. Sa umaga, hindi pa nga ako gising, kumakatok na siya, bibigyan na ako ng kape,” ani Gladys.
Mahilig daw magbakasyon si PJ sa kanilang tahanan, kaya kilala nito ang mga pamangkin o anak nila ni Christopher.
“At an early age na-exposed agad ang mga anak ko kay Tito PJ nila. Kaya ganoon din ‘yung pang-unawa nila sa persons with special needs o special conditions,” sabi ni Gladys.
Sa kabutihang palad, wala pa namang insidente na napaaway si Gladys dahil sa mga hindi kanais-nais na puna ng mga tao sa kaniyang kapatid.
“Siguro hindi na nila ina-attempt. Subukan lang nila, ‘di ba? Subukan niyo lang. Puwede naman, magkasubukan tayo. Gusto niyo ba?” biro ni Gladys, na isa sa mga kinikilalang primera kontrabida sa telebisyon.
Pag-amin ni Gladys, may mga pagkakataong hiniling niyang sana ay naging tulad din sa normal na tao ang kalagayan ni PJ.
“Before my father passed away in October 2021, actually isa sa binulong ko sa kaniya is, ‘Pa huwag ka nang mag-alala.’ Si PJ kasi isa sa mga hugot ko ‘yan kapag may eksena. Kasi lagi kong naiisip, huwag naman sanang mauna kami sa kaniya kasi ang hirap. Hindi lahat naiintindihan siya eh, hindi lahat makakaunawa sa kalagayan nila,” emosyonal na kuwento ng aktres.
“Minsan nga pamilya mo na, mauubos pa rin ang pasensya sa ‘yo, ano pa kaya ‘yung ibang tao? Parang hindi ko lang maaatim na, baka uminit ‘yung ulo sa kaniya tapos hindi siya maintindihan, hindi siya mapagpasensiyahan, may gawin sa kaniya, medyo masaktan siya,” pagpapatuloy ni Gladys.
Bilang panganay sa magkakapatid, inihayag ni Gladys sa kanilang ama na hindi niya pababayaan ang kanilang bunso.
“Kaya sabi ko sa papa ko, para talagang at rest na siya, ‘Pa, okay na! Kami na ang bahala kay PJ tsaka kay mama.’”
Kaya naman hinihiling ni Gladys sa Panginoon na bigyan pa siya at ang kaniyang pamilya ng mahabang buhay.
“Kahit noon sinasabi ng papa ko, ‘Sana sabay na lang daw sila ni PJ mawala,’ kasi daw para hindi na namin dalahin o iniisip. Siyempre iniisip ko, kahit anong mangyari hindi ko naman pababayaan ‘yan, siyempre kapatid ko ‘yan. So hindi na kailangang mag-isip ‘yung papa ko about that,” paglalahad ng aktres.
“Basta hangga’t kaya namin, aalagaan, iintindihin namin, tsaka lahat ng makakasaya sa kaniya, ibibigay talaga namin,” dagdag ni Gladys.
Christopher, maunawaing asawa
Nagpasalamat din si Gladys sa asawa niyang si Christopher Roxas, na naunawaan din ang kalagayan ni PJ.
“Tsaka sobrang suwerte ko kay Christopher. Si Christopher naiintindihan ‘yung kapatid ko. Alam mo, ni hindi siya nagsabi na ‘Bakit nandito?’ Kasi gustong gusto ng kapatid ko na pumupunta sa amin, natutulog sa amin, minsan taon. Gusto niya doon eh,” kuwento ni Gladys.
Ito ang isa sa mga rason kung bakit mahal ni Gladys ang kaniyang asawa.
“Ako naman masaya ako na nakikita si Christopher na mahal niya rin ‘yung kapatid ko. Siguro isa rin ‘yun kaya talagang napamahal din si Christopher sa akin, kasi nakita kong hindi lang ako ang mahal eh, kundi pati ‘yung kapatid ko at pati ‘yung mga mahal ko sa buhay.”
Para kay Gladys, ang kapatid na si PJ ang kahulugan ng unconditional love.
“Noong dumating si PJ sa buhay namin, siya talaga ‘yung kahulugan ko ng unconditional love para sa akin. ‘Yung magbibigay ka lang nang magbibigay, pero hindi ka naghihintay ng kapalit. Siya ‘yon para sa akin.”
Mensahe ni Gladys kay PJ: “Ate mo, mahal na mahal kita. I love you PJ! Panalangin na pahabain pa ang buhay.”
-- FRJ, GMA Integrated News