Tinuldukan na ng Chief Finance Officer ng Television and Production Exponent (TAPE) Inc., na si Dapitan Mayor Bullet Jalosjos, ang mga espekulasyon tungkol sa posibleng mangyari sa longest-running noontime sa Pilipinas-- ang "Eat Bulaga!"
Ginawa ni Jalosjos ang mga paglilinaw tungkol sa Eat Bulaga, sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkules.
Ang TAPE ang namamahala sa produksiyon ng “Eat Bulaga.”
Ayon kay Jalosjos, hindi totoo na aalisin ang mga haligi ng noontime show na sina Tito at Vic Sotto at Joey de Leon, o mas kilala sa tawag na “TVJ.”
“They’ve always been a part and will always be a part of Eat Bulaga. Kahit baligtarin natin, hindi talaga sila puwedeng mawala sa Eat Bulaga, and Eat Bulaga cannot live without TVJ. And I think, personally, my opinion also that TVJ also cannot live without Eat Bulaga,” sabi ni Jalosjos.
Sa kaniyang panayam, sinabi ni Jalosjos na nagsimula silang maging bahagi ng board of directors ng TAPE Inc., tatlo o apat na taon na ang nakararaan.
“Ang laki ng pasasalamat namin, and utang na loob namin sa ating pillars which is sina Tito, Vic and Joey and of course Tito Tony [Tuviera]. They have always been a guide and they’ve been helping us. They are continuing to assist us and guide us during our journey as the board of the company,” sabi pa ng alkalde.
“Ang kagandahan niyan para pa rin kaming pamilya sa Eat Bulaga,” dagdag pa niya.
“Definitely,” saad ni Jalosjos tungkol sa pananatili ng TVJ sa Eat Bulaga.
Nilinaw din ni Jalosjos, mananatili rin ang iba pang hosts ng programa.
“We’ve always acted like family. Ever since time pa ni Aiza (Ice Seguerra),” saad niya.
Bukod dito, pinabulaanan din ni Jalosjos ang ilang usapin na lilipat ng ibang network ang Eat Bulaga.
“I can say Tito Boy hindi po totoo ‘yon. I talk to the executives of GMA all the time. I have to make sure that they are confident enough to know na ‘yung changes na nangyayari sa Eat Bulaga is still stable and sound,” sabi niya.
Katunayan, may dalawang taon pa ang kontrata ng TAPE Inc. sa Kapuso Network.
Hindi rin sila nagkaproblema sa pera, at lumabas lamang ang mga usapin dahil sa transition.
“I want to assure everyone that we are financially stable. The company is okay, we are doing good, we pay our talents, we can pay GMA. So wala po talagang problema when it comes to money,” ani Jalosjos.
Binanggit ni Jalosjos ang biro ni Joey na hindi “rebranding” ang mga umugong na usapan tungkol sa Eat Bulaga, kundi isa lamang “rebonding.”
“Rebonding ng kumpanya, rebonding ng mga pamilya sa Eat Bulaga, rebonding ng executives, rebonding din ng GMA,” saad niya.
Bukas din daw ang Eat Bulaga na madagdagan pa ng celebrities na magiging bagong “Dabarkads.”
Aasahan din sa bagong Eat Bulaga ang mas marami pang segments at mas malalaking papremyo.
“Definitely there will be improvements, not changes as in wala namang mawawala, wala namang matatanggal,” sabi ni Jalosjos.
“Tuloy ang ligaya ng Eat Bulaga,” sabi ni Jalosjos. -- FRJ, GMA Integrated News