Idinadaing ng isang babae sa Bohol ang pananakit ng kaniyang tainga. At nang suriin ng kaniyang mga kasamahan, nakita at nakuha ang isang buhay na ipis sa loob nito.
Sa ulat ni Katrina Son sa GTV State of the Nation nitong Martes, makikita na tinutulungan ng mga kaibigan ang estudyanteng si Janine Kaye Uy na kunin ang insekto mula sa loob ng kaniyang tainga.
Nilagyan nila ang baby oil ang tainga ni Uy, at gumamit ng tiyani para makuha ang ipis. Sa umpisa, pira-pirasong paa lang ng ipis ang kanilang nakukuha.
Pero kinalaunan, matagumpay din nilang nakuha ang ipis na buhay pa kaya pinagpapalo nila.
Ayon kay Uy, nawala ang sakit ng kaniyang tainga nang maalis ang ipis.
“Hindi na kaya kapag inumaga pa yung pagkuha mas masakit na talaga,” ani Uy.
Ang naturang mga insidente, madalas daw na mangyari kapag nauupo o natutulog sa sahig ang tao.
Payo ng isang ears, nose, and throat surgeon, kapag nakaranas ng katulad ng insidente at hindi kaagad makakapunta sa ospital, makabubuting suriin muna kung buhay o patay na ang insekto.
“Pagbuhay gumagalaw minsan maririnig mo parang may lumilipad sa loob ng tainga or may sound, bago natin extract or tanggalin kailangan patayin muna natin. So how do we kill? Usually ang advise namin maglagay ng baby oil,” sabi ni ENT-plastic surgeon Dr. Ruthlyn Pecolera-Salvosa.
Hindi raw dapat gumamit ng tubig sa ganoong sitwasyon dahil posibleng magkalasog-lasog ang insekto.
Hindi rin ipinapayo na alcohol ang ilagay sa tainga dahil mahapdi ito lalo na kung nagkaroon na ng sugat sa loob.
Payo rin ng duktor, kahit naalis na ang insekto, makabubuting magpatingin pa rin sa duktor para matiyak na walang naiwan sa loob ng tainga.
“Kasi mamaya tinry alisin sa loob ng bahay mabutas yung tainga or ear drum na tinatawag. Pinakamaganda masilip ng espesyalista para matanggal,” ayon kay Pecolera-Salvosa.
Sinabi rin ng duktor na dapat tiyakin na malinis ang tinutulugan para maiwasan ang mga katulad na insidente. --FRJ, GMA Integrated News