Posibleng malaman na bukas [Miyerkules] ang mga mangyayari sa longest-running noontime TV show sa bansa na "Eat Bulaga." May mga pagbabago nga bang magaganap sa programa, at may aalis o madagdag nga bang dabarkads?
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Martes, sinabi ng host na magiging panauhin ng programa sa Miyerkules si Mayor Bullet Jalosjos, ang chief finance officer ng Television and Production Exponent (TAPE) Inc. na nasa likod ng "Eat Bulaga."
Ayon kay Tito Boy, hindi natuloy ang press conference na una sanang gagawin para mabigyan ng linaw ang mga mangyayari sa "Eat Bulaga."
"Lahat ng ating mga katanungan, hopefully, ang mga tanong ng bayan ay masasagot ni Mayor Jalosjos," sabi ni Tito Boy.
Ayon sa talk show host, ngayon lang niya makakaharap si Jalosjos, na alkalde ng Dapitan City.
Bakit nga ba interesado ang mga tao sa kung ano ang mangyayari sa "Eat Bulaga? Ayon kay Tito Boy, "Halos 43 years, bahagi po ng kuwento natin, hindi lamang ang ating mga buhay, pati na rin ang ating bayan ang Eat Bulaga."
"We want to know what's happening. Malalaman natin ang mga kasugutan bukas," dagdag niya.
Kamakailan lang, iniulat na pansamantalang mawawala sa Eat Bulaga si Maja Salvador, dahil sa paghahanda sa kaniyang kasal at mga isyu sa likod ng programa.
Mapapanood ang "Fast Talk With Boy Abunda" mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 4:45 p.m. sa GMA-7. —FRJ, GMA Integrated News