Totoo nga bang nakatutulong ang pagbibilang ng "tupa" para makatulog ang isang tao, at kung kulang sa tulog ay puwedeng "bumawi" na lang sa ibang oras?
Sa isang episode kamakailan ng "Eat Bulaga," ang mga taong may "insomnia" ang mga pinagpilian sa segment nito na "Bawat Judgmental."
Paliwanag Dr. Rodolfo Dizon Jr., Sleep Specialist, Philippine Society of Sleep Medicine, ilan sa sintomas na may insomnia ang taong hirap magsimula ng tulog, nagigising sa gitna ng pagtulog, nagigising nang mas maaga kaysa sa gusto nila.
Kasama rin ang pagiging antukin sa umaga, nagiging mainitin ang ulo, makakalimutin, nagrereklamo tungkol sa pagtulog, at kapag nangyayari ito ng tatlong araw kada linggo.
Malaking bagay umano sa pagkakaroon ng insomnia ang stress. Nagiging dahilan umano o "trigger" para maapektuhan ang sleeping habit ng katawan ang pag-iisip sa mga problema gaya sa pamilya, personal, negosyo, kalusugan at iba pa.
"Dahil sa trigger, mag-aalala yung isip natin, mababago ang sleeping habits," anang duktor.
Ayon kay Dizon, makatutulong ang pag-e-ehersisyo at pagkakaroon ng mga aktibidad sa umaga upang mapagod ang katawan para pagsapit ng gabi ay magkaroon ng mahimbing na tulog.
Sinabi rin ng duktor na nakatutulong din naman ang pagbibilang ng tupa para makatulog kung magagawa nito na ibaling ang isip palayo sa mga problema o mga alalahanin.
"Yung pagbilang ng mga tupa, tama rin po kasi mada-divert ang atensiyon natin. Kaysa mainis tayo, kaysa sa frustration kaysa hindi makatulog maiiba yung focus kaya nakakatulong," paliwanag niya.
Nang magtanong ang mga dabarkads ilan at ano ang tamang oras ng pagtulog, paliwanag ni Dizon, ang target na sleeping time sa tao ay 10 pm hanggang 6 am.
Mga nasa edad 18 pataas, ang target sleep time ay pito hanggang siyam na oras na tuloy-tuloy.
Pero totoo nga ba na kung kulang sa tulog sa gabi ay maaaring "bawiin" sa hapon o sa ibang oras?
Ayon kay Dizon, "Dapat yung pagtulog regular yung oras. Kung gigising ng tanghali, [kung] 4 am yung tulog tapos 12 ng tanghali yung gising, dapat regular na ganun yung sleeping habit."
Sinabi rin ni Dizon na mayroon mga tao na hindi kailangan ang pitong hanggang siyam na oras na tulog na tinatawag na short sleepers.
"Mga five or six hours lang ang tulog pero very functional sila walang reklamo. Hindi kailangang pilitin na matulog nang mas matagal," pahayag niya.
Payo rin ni Dizon, dapat hanapan ng solusyon ang mga iniisip na nagdudulot ng stress na nagiging trigger o dahilan ng labis na pag-iisip para hindi makatulog.
Aniya, ang mga taong hindi nakakatulog nang maayos ay maaari magkaroon magdulot ng depresyon, mainitin ang ulo, bibigat ang timbang, at posibleng magkaroon ng diebetes at problema sa puso.
"Long term effect sa health proven sa health problem. Mas matagal nabubuhay ang may sapat na tulog," paliwanag niya.
"Hindi sapat ang diet at exercise to be healthy, kailangan din ang tamang pagtulog," dagdag ni Dizon, na nagpayo na kumonsulta kung may problema sa pagtulog.
Panoorin ang isa na namang masaya at makabuluhang paksa sa Bawal Judgmental.--FRJ, GMA Integrated News