Nauuso ngayon ang tinatawag na ice bath kung saan nilalagyan ng yelo ang tubig na pagbababaran kapag naligo. Mayroon nga ba itong benepisyo sa kalusugan at puwede ba itong gawin ng lahat? Alamin.
Sa programang “Pinoy MD,” sinabing isa ang R&B singer na si Kris Lawrence sa mga sumubok na ng ice bath.
“After ng ice bath, ‘yung energy mo siguro six hours dire-diretso ‘yan. Your adrenaline is just pumping. Elevated moods, mental clarity,” sabi ni Kris.
Ayon kay Dr. Via Roderos, General Physician ng Alaga Health, “A lot of evidences have been pointing out to relaxation, but it actually helps us regain the focus back. Because of the relaxing relief na nabibigay ng isang ice bath after nating mag-exercise.”
Dagdag ni Roderos, sa shower mas nakakapag-isip at nakakapag-focus ang isang tao matapos ang isang stressful na araw.
Mahigit isang taon nang ginagawa ni Kris ang ice bath, na para sa kaniya ay good for the body and the mind.
Ayon kay Kris, nasasanay ang isang tao na kontrolin ang stress sa tuwing kinokontrol niya ang lamig na ibinibigay ng ice bath.
“After taking ice baths, I’ve realized na mas chill ako,” sabi ni Kris, na nagsimula muna sa isang minuto kada araw na pagbabad sa tubig na may yelo.
Mino-monitor muna ni Kris ang kaniyang puso bago sumalang sa ice bath, bagay na sinegunduhan ni Dr. Roderos.
Pero ayon kay Roderos, kailangan munang ikonsidera ang mga pre-existing conditions o comorbidities gaya ng sakit sa puso, high blood, hypertension at diabetes bago subukan ang ice bathing.
“Ang nangyayari sa ice bath, nagko-constrict ‘yung blood vessels natin. Nababawasan ‘yung daloy ng dugo, puwede siyang magkaroon ng risk factor for stroke, lalong lalo na kapag may problema for blood circulation,” paliwanag ni Roderos.
Maaaring subukan ang ice bath ng mga batak sa trabaho o nagbabanat ng buto tulad ng mga construction worker.
Alamin sa Pinoy MD kung paano pinaghahandaan ni Kris ang ice bath. Tunghayan din kung kakasa ang isang construction worker sa ice bath challenge. Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News