Umaga pa lang, sinisimulan na ng ilang bata sa Quezon, Bukidnon ang mahabang lakaran patungo sa isang paaralan. Pero ang kanilang misyon, hindi para mag-aral kung hindi makipag-barter sa mga guro na ang dala nilang mga gulay at prutas, mapalitan ng pantawid gutom nila sa araw-araw --ang bigas.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing kabilang sa mga batang ito sina Elsie, 9-anyos at Jessa, 6-taong gulang, na sa halip na bag at notebook, basket at sako ang kanilang bitbit na pinaglalagyan ng mga inani nilang gulay at prutas.
Dahil sa hirap ng kanilang buhay sa bundok sa Sitio Santo Domingo, walang kakayahan ang pamilya ng mga bata na mga Manobo na bumili ng magandang uri ng bigas. Kaya madalas nilang pagsaluhan dito, kamote.
Noong nakaraang Huwebes, siyam na bata ang nagsama-samang maglakbay 6:00 ng umaga patungo sa eskuwelhan na dalawang oras ang lakaran para maipalit nila sa mga guro ang kanilang mga bitbit na produkto gaya ng sayote, saging at iba pa.
Mabato ang daan pababa at paakyat ng bundok. Kapansin-pansin ang ilan sa mga bata, sugat at bukol sa paa at kamay.
At nang marating ng mga bata ang paaralan matapos ang dalawang oras na paglalakad, hindi naman sila nabigo sa kanilang pakay na makapag-uwi ng bigas.
Si titser Jocelyn Lou, sinabing masarap sa pakiramdam niya na ibahagi sa mga bata ang natatanggap niyang biyaya.
At bago pauwiin ang mga bata, pinakain muna ng mga guro ang siyam na bata.
Sila Elsie at ang kapatid niyang si Rey, masayang ipinakita sa kanilang ina ang ilang takal ng bigas na naipalit nila. Magiging pantawid gutom daw nila ang bigas sa susunod na tatlong araw.
Si Jessa naman, kaagad na nagsaing pagkauwi, at iyon ang kanilang pinagsaluhan na pamilya na ang tanging ulam naman-- asin.
Ang sitwasyon ng mga bata, nakarating sa lokal na pamahalaan. Nagbigay sila ng ilang grocery item at tig-isang sako ng bigas sa mga pamilya.
Naghandog din ng tulong pinansiyal ang "KMJS" team sa mga pamilya. Ang lokal na pamahalaan, may iba pang plano para sa mga bata. Ang buong kuwento at kung papaano makakatulong sa mga bata, alamin sa video. --FRJ, GMA Integrated News