Naging malaking palaisipan ang pagdagsa ng tone-toneladang maliit na isdang "lupoy" sa halos 100 metrong dalampasigan ng Mandaon sa Masbate na unang beses pa lang nangyari. May napaisip na baka ang naturang biyayang hatid ng dagat, mayroong kapalit.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video habang abala ang mga residente sa kani-kanilang salok o kuha ng mga isda sa dalampasigan.
Malaking biyaya nilang itinuturing ang biglang pagkakaroon ng tone-toneladang isda sa dalampasigan lalo na sa mga mangingisda na walang mahuli sa laot.
Mayroon nakapuno ng 21 banyera na kumita ng P5,000, habang pinaghatian naman ng iba ang mahigit P13,000 na kinita sa naipong isda na 50 banyera.
Ang iba naman, ginawang bagoong ang isda, o daing parang ipang-ulam, o ibigay sa iba.
Ayon sa municipal agriculturist office ng Mandaon, tinatayang nasa 200 banyera ng isda ang nakuha sa dalampasigan, na katumbas ng limang tonelada.
May napaisip na baka may kapalit ang biyayang hatid ng dagat lalo pa't napag-alaman na pumanaw ang anak ng may-ari ng bahay na nasa tapat ng dalampasigan.
Ngunit kung ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang tatanungin, isang natural phenomenon ang nangyari.
Maaari umanong dulot ng biglang pagbabago ng temperatura ng tubig sa dagat ang dahilan kaya napunta sa dalampasigan ang mga isda.
Posible rin umanong may predator na iniwasan ang mga maliliit na isda, o napunta sa bahagi ng dalampasigan ang pagkain ng mga isda.
Sa pagsisiyasat naman ng municipal agriculture office, natuklasan nila na galing sa lambat na napunit ang tone-toneladang isda.
Hinahatak na umano ng mga tauhan ng mangingisdang si Homer Benosa ang lambat na puno umano ng isda nang hindi nila namalayan na may sinabitan ito sa ilalim ng dagat na dahilan ng pagkapunit.
Ang mga isda, lumabas sa lambat at kumalat sa dalampasigan.
Ipinakita pa ni Homer ang nawasak niyang lambat.
Nanghihinayang man sa nawalang kita dahil tatlong banyera na lang ng isda ang kaniyang naiuwi nang araw na iyon, natanggap na raw niya ang nangyari dahil kahit papaano ay nakatulong siya sa mga tao.--FRJ, GMA Integrated News