Nagsalita na at nagpaliwanag ang magkasintahan na nag-viral kamakailan sa social media matapos na akusahan na nandaya sa "Pinoy Henyo" segment ng "Eat Bulaga." Ang dalawa, may mensahe sa pamunuan ng programa.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, nagpaunlak ng panayam ang magkasintahan na sina Ryan, at ang binansagan ngayon ng ilang netizen na "stomach" girl na si Lyka.
Paliwanag nila, hindi nila intensyon na mandaya at humingi sila ng paumanhin sa publiko.
Sa Valentine's Day edition kasi ng Pinoy Henyo, napansin ng mga nakapanood na pasimpleng isinenyas umano ni Lyka sa pamamagitan ng pagbuka ng kaniyang bibig ang sagot kay Ryan.
"Hindi ko po intention na sabihin 'yung word na 'Stomach,'" ani Lyka. "Yung dun po sa nangyari is dala po ng bugso ng damdamin. Lahat naman po tayo nagkakamali, di ba? Dala lang po ng emosyon, ng intense sa sarili kaya ganun po yung nangyari."
"Pasensiya na po kung ganun po 'yung way ng paglalaro namin. Pasensiya na po kung sa tingin ninyo may pandadayang maganap pero hindi ko po intensyon na mandaya," pakiusap niya.
Maging si Ryan, humingi rin ng paumanhin dahil sa pagbuka rin ng kaniyang bibig para sa sagot na "Abra."
"Hindi po ako aware na nasasabi ko po 'yung word na 'yun kasi nate-tense po ako na sana po masabi niya 'yung pinapahula po sa kanya," pahayag ng binata.
"Nu'ng nakita ko po 'yung video na 'yun nagulat po ako kasi nasabi ko po pala unintentionally po. Kaya hinihingi po ulit namin ng pasensya," dagdag niya.
Humingi rin ng paumanhin si Lyka sa mga host at pamunuan ng "Eat Bulaga!" Hinihintay pa raw nila kung ipatatawag sila sa programa upang ipahayag ang kanilang panig.
Minsan nang nagpahiwatig ang host ng "Eat Bulaga" na si Joey De Leon, laban sa pandaraya sa laro.
"Kapag ikaw ay nandaya. Pag nagchi-cheating ka sa isang game, wala na ang fun," ani Joey.
Ayon kay Ryan, handa nilang tanggapin ang kanilang responsibilidad sa kanilang ginawa.
"Alam po namin 'yung pagkakamali namin kaya ready po kami na i-bear po lahat ng consequences po sa lahat ng mga pagkakamali na nagawa po namin," saad niya.
Ang ilang netizens, nagsasabing dapat ibalik ng dalawa ang napanalunan nilang P30,000, na ayon sa dalawa ay hindi naman binawai ng programa.
Nakatatanggap din umano ng masasakit na salita sina Ryan at Lyka sa social media.
"Nalungkot din po ako kasi may mga tao din po talagang nangja-judge po sa amin. Nag-deactivate po kami ng account para po hindi po namin makita 'yung mga criticisms po ng mga tao," ani Ryan.
"Sa mga basher po tumigil na po kayo kasi marami na pong naaapektuhan," ayon naman kay Lyka.
Mensahe nila sa pamunuan ng "Eat Bulaga."
"Sa Eat Bulaga!, sa Pinoy Henyo po, sa mga host, hinihingi po namin ng pasensya 'yung mga pangyayari po."
Umaasa silang may mapupulot din na aral ang iba sa nangyari at hindi sila pamarisan.
Dahil sa nangyari, may napulot umano silang aral.
Maging ang ina ni Lyka, humingi ng pang-unawa para sa kaniyang anak kung nakagawa ito ng pagkakamali.—FRJ, GMA Integrated News