Tuwing oras ng recess, lumalabas ng eskuwelahan ang magkapatid upang hindi makita ng ibang estudyante ang kanilang baon na kanin na asin lang ang ulam. Pero hindi na raw baleng wala silang baon, ang mahalaga, ang makapag-aral sila.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video na ini-upload ni Johnry Turalba, na tahimik na kumakain sa labas ng paaralan ang magkapatid na Arnold, 13-anyos, at Christine, 11, ng Butuan City, Agusan del Sur
Nahihiya raw ang magkapatid na makita ng iba ang kanilang baon. Ayon kasi kay Arnold, tinutukso sila ng mga kaklase kapag nakitang asin lang ang kanilang ulam.
"Palagi kaming tinutukso ng mga kaklase namin kaya umiiyak na lang, lumalabas para matigil ang mga pangangantiyaw sa amin," sabi ni Arnold.
Si Christine, hindi na raw tumitingin sa baon ng kaniyang mga kaklase dahil kung minsan ay nakikita niyang fried chicken ang ulam ng ibang kaeskuwela.
Ayon kay Arnold, "Sinabi ko lang din na di baleng walang baon basta makapag-aral."
Nang araw na makuhanan ni Turalba ng video ang magkapatid, ibinigay niya ang dala niyang pagkain sa magkapatid dahil sa awa.
Nakatira sa isang kubo sa Barangay San Vicente sina Arnold at Christine. Walo silang magkakapatid, magsasaka ang ama, at walang hanapbuhay ang kanilang ina.
Nakalubog sa tubig ang kanilang bahay at walang kuryente. Kaya sa gabi, kailangan nilang gumamit ng gasera kapag may kailangang gawin sa pag-aaral.
Grade 4 student si Christine, na ayon sa kaniyang guro ay attentive at nakikibahagi sa klase.
Habang ang mas matandang si Arnold, nasa Grade 3. Lumalabas na maraming araw na lumiliban ang binatilyo dahil kailangan niyang tumulong sa kaniyang magulang sa bukid.
Ayon sa pediatrician na si Dra. Ma. Realiza Henson, may masamang epekto sa katawan ang labis na pagkain ng asin.
"Kapag too much ang intake magiging malnourished, ma-affect yung heart, tapos yung kidney, brain," saad niya.
Pagkagaling sa eskuwelahan, pupunta naman si Arnold sa bukid para tulungan ang kaniyang ama sa pagsasaka sa bukid.
Napag-alaman na P500 lang kada linggo ang kita ng kanilang ama, depende pa kung may ani.
Kahit sa bahay, napipilitan din magdildil ng asin ang pamilya.
Aminado ang ina nina Arnold at Christine na masakit sa damdamin nila na hindi maibigay ang masarap na ulam para sa kanilang mga anak.
Ipinasuri ng KMJS team ang kalagayan ng kalusugan ng magkapatid. Nasa maayos na timbang si Christine habang kulang naman si Arnold.
Para mapasaya sila, ipinaghanda na rin sila masarap na pagkain na kanilang pagsasaluhan, at binigyan ng pangpuhunan. Habang ang barangay, nagbigay sa kanila ng grocery item.
Nagkaloob naman ng full scholarship kina Arnold at Christine ang lokal na pamahalaan. Bukod sa regalong pangkabuhayan para sa kanilang magulang. --FRJ, GMA Integrated News