Para sa mga batang "90's," si Ina Raymundo ang tiyak na unang maiisip kapag binanggit ang "Sabado Nights," na sumikat na commercial noon ng isang serbesa. Ngayon na isa nang ina, ano na kaya ang tipikal na Sabado nights para sa aktres?
Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," sinabi ni Ina na hindi niya inaasahan na ang naturang commercial na "Sabado Nights" ang magiging daan para makilala siya sa Philippine showbiz industry.
"Kasi nung time na yun I was only 19, so very unassuming ako until now pa rin naman. Pero yung manager ko at that time sabi niya, kita mo itong commercial na ito it will be good for you. So ako naman parang... talaga? Very unassuming ako nung time na 'yon. Hindi ko talaga naisip na it will become big," kuwento niya.
Sa naturang commercial, gimikera at nasa isang bar ang set-up ng Sabado nights girl. Nasundan pa ang tema ng commercial kasama si Vic Sotto at ilang PBA players.
Kaya naman tinanong ni Pia si Ina kung ano ang tipikal na Sabado nights ngayon ng aktres na isa nang maybahay at ina sa limang anak.
Ayon kay Ina, edad 21, 18, 14, 12 at 9 ang kaniyang mga anak. Tatlo na lang ang kasama nila ng kaniyang mister dahil nag-aaral sa Amerika sa kolehiyo ang dalawa.
"Ang typical sabado nights ko, very opposite nung Sabado nights ko noong 90s. Yung tipong quiet night lang, maaga matulog, parang kung lalabas ako to see my friends, mas pipiliin ko na ang Biyernes night," paliwanag niya.
Pero bakit Biyernes?
Paliwanag ni Ina, "Para may recovery ng Sabado. Para kasi kapag Sabado [at] Sunday, parang ayaw mo naman ma-lowbatt ng Sunday dahil family day 'yon." --FRJ, GMA Integrated News